Ikinanta ng dalawang preso na pinatay nila sa saksak noong 2016 ang tatlong Chinese na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm na sangkot sa kasong ilegal na droga. Ginawa raw nila ang pagpatay dahil sa pangako sa kanila na bibigyan sila ng pera at palalayain. Ang kanilang ginawa, may basbas umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ng dalawang bilanggo o persons deprived of liberty (PDL) na sina Fernando Magdadaro at Leopoldo Tan Jr., ang pagsisiwalat sa ginanap na pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representante nitong Huwebes.
Ayon sa dalawa, kinausap sila ng mataas na opisyal ng pulisya para gawin ang pagpatay sa tatlong Chinese sa pangakong bibigyan sila ng P1 milyon at makakalaya sila.
Noong August 15, 2016, nabalita ang pagkamatay ng tatlong Chinese drug lord sa piitan na sina Chu Kin Tung, alias Tony Lim; Li Lan Yan, alias Jackson Li; at Wong Men Pin, alias Wang Ming Ping.
BASAHIN: 3 Chinese inmates stabbed to death inside Davao del Norte prison
“Ang sabi po sa akin, may basbas sa taas ‘yan,” ayon kay Tan.
Sinabi nina Magdadaro at Tan na itinumba nila ang tatlong Chinese sa pamamagitan ng pagsaksak noong gabi ng August 13, 2016.
Matapos ang pagpatay nila sa tatlo, sinabi ni Tan na may tumawag kay Superintendent Gerardo Padilla, warden ng kulungan. Dahil naka-"speaker phone" ang pag-uusap, nabosesan umano niya na si Duterte ang nasa kabilang linya.
“Habang naglalakad kami papuntang Investigation Section [pagkatapos naming patayin ang mga Chinese], tumunog ang cellphone ni Superintendent Padilla. Nakita ko na pinindot ni Superintendent Padilla ang kanyang cellphone," ani Tan.
"Nadinig ko na sinabi nung tumawag kay Superintendent Padilla, "Congrats Superintendent Padilla, job well done...' Alam ko na ang kausap ni Superintendent Padilla ay si Presidente Duterte dahil pamilyar ko ang boses niya,” ani Tan.
“Pagkatapos ng tawag, sabi ni Superintendent Padilla sa mga kasamahan niya doon, 'tumawag si Presidente, nag-congrats sa akin.' Dahil sa sinabing ito ni Superintendent Padilla kaya lalo akong napaniwala na ang tumawag sa kaniya ay si Presidente Duterte,” sabi pa ni Tan.
Ayon kay Magdadaro, hindi umano tumupad ang mga pulis na kumausap sa kanila para patayin ang tatlong Chinese.
“Hinintay namin yung pinangakong paglaya namin pero hanggang ngayon kami pa rin ay nasa loob ng kulungan. Ibinibigay ko itong salaysay na ito dahil sa galit ko sa kanila,” sabi ni Magdadaro.
“Ang lahat ng sinabi ko sa salaysay na ito ay pawang katotohanan lamang at walang sino man ang nagturo o nagimpluwensya at alam ko rin na maaring gamitin laban or pabor sa akin,” dagdag pa niya.
Ayon Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers, seryoso at mabigat ang alegasyon ng dalawa laban sa dating pangulo.
Naghain ng mosyon sa naturang pagdinig si House Senior Deputy Speaker Dong Gonzales, na imbitahan si Duterte “to shed light on this matter.”
Walang tumutol sa mosyon ni Gonzales.
Demolition job
Nauna nang sinabi ng dating presidential spokesperson ni Duterte na si Harry Roque, na hindi dadalo sa pagdinig ng Kamara ang dating pangulo.
“As guaranteed by our Bill of Rights, Congress cannot compel former President Duterte to be a witness against himself,” ani Roque.
“Our former President firmly believes that the Lower House is not the proper forum to investigate any criminal allegation against him,” dagdag niya.
Sinabi naman ng isa pang dating spokesman ni Duterte at dating presidential legal counsel na si Salvador Panelo, na demolition job ang ginagawa ngayon laban sa dating pangulo.
"The enemies of FPRRD are using convicted felons of murders and drug trafficking to link him to the murders of the 3 Chinese detainees of which they were the perpetrators on the basis of their bare allegations," ani Panelo.
''Obviously, they [are] making those statements for a consideration. If it is true as they say that they killed the 3 Chinese in exchange for money and release from prison, necessarily they can lie about FPRRD’s alleged link to the murders for the same consideration of money and freedom coming from those who want to destroy the Dutertes,'' patuloy niya.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Duterte tungkol sa alegasyon ng dalawang PDL.--mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News