PAG-ASA ISLAND, WEST PHILIPPINE SEA —Ang pinsala sa BRP Bagacay at BRP Cape Engaño na ang pinaka-malalang pagbanggang sinapit ng Philippine Coast Guard, ayon sa kanilang tagapagsalita na si Commodore Jay Tarriela.

“This is the worst intentional ramming that was done by Chinese coast guard that resulted to such structural damage putting holes in our two Coast Guard vessels,” ani Tarriela.

Sa pagdikit ng BRP Bagacay malapit sa Pag-asa Island nitong Martes, kapansin-pansin ang malaking lona na nakatakip sa portside o kaliwang-likurang bahagi nito matapos banggain ng China Coast Guard vessel 21551 malapit sa Escoda o Sabina Shoal nitong Lunes ng madaling araw.

Ang lona na may magnet, pangharang para hindi mapasukan ng tubig ang barko.

Nang angatin ang lona, doon na tumambad sa amin ang tindi at lawak ng pinsala ng barko.

May butas itong 2.5 feet ang haba at  may lawak na 3 feet malapit sa auxiliary room na kalapit lang ng auxiliary engine.

Bukod sa malaking butas na ito, ang railings sa kanan o likurang starboard ng barko, napinsala rin.

May damage din pati ang nguso ng barko na una raw inabot ng BRP Bagacay nang harangin ng Chinese vessel habang patungo ng Patag at Lawak Islands para maghatid ng  essential goods at mag-rotate ng tropa.

Pero bago pa binangga ang BRP Bagacay, una nang binangga ng China Coast Guard 3401 ang BRP Cape Engaño.

Sa likuran starboard o kanang bahagi ang butas na tinamo ng BRP Cape Engaño.

Sa kabila ng nangyari, mataas pa rin daw ang morale ng mga tropa ng Philippine Coast Guard na maaari pa ring bumalik ng duty sa West Philippine Sea.

Nakabalik na ng mainland Palawan ang BRP Bagacay kaninang hapon.

Habang tinapos pa ng BRP Cape Engaño ang isang misyon sa Lawak Island bago bumalik ng mainland Palawan.

Inaasahang ipapaayos kaagad ang dalawang multi-role response vessel (MRRV) na laging nasa aksyon sa West Philippine Sea.

Tiniyak naman ni Commodore Tarriela na hindi mapapabayaan ang iba’t-ibang misyon nila sa West Philippine Sea habang ipinapaayos ang dalawang napinsalang barko.

Lalo’t sa tingin ng iba ay animo’y nagmimistulang ikalawang Ayungin Shoal na umano ang Escoda Shoal sa tindi ng pambabakod ng China sa lugar na kaninang umaga lang  may dalawampu't apat na militia vessel, isang China Coast Guard vessel, isang rescue vessel, at isang hospital ship.

Nasa Escoda Shoal ang  BRP Teresa Magbanua para tiyaking  hindi umano masisira ang ating yamang dagat at bahura doon.

“Ang puno’t dulo lang naman talaga ng ganitong reaction ng China is that pinaniniwalaan nila na ang BRP Teresa Magbanua will be staying in Escoda Shoal for good. Pero paulit ulit lang natin sinasabi ito na the intention of Admiral Ronnie Gil Gavan  why he deployed MRRV-9701 in Escoda Shoal is para pangalagaan  ang ating karapatan dito siguraduhin wala nang yamang dagat na masisira.”

BFAR MARITIME PATROL

Samantala, ilang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang nagsagawa ng maritime patrol sa West Philippine Sea.

Gabi ng Linggo, isang barko ng People’s Liberation Army-Navy na may bow number 570 ang namataang  sumusunod sa sinasakyan naming barko.

Kinabukasan, isa pang Chinese Navy Vessel na may bow number 569 ang bumuntot sa amin.

Pinakamalapit na distansya nito nang mag-overtake sa BRP Datu Romapenet ang  tinatayang 100 meters.

Nasa 400 meters naman ang pinakamalapit na distansya ng Chinese Navy Vessel sa sinasakyan naming BRP Datu Sanday nang kami’y malapit na sa Recto Bank.

“Lagi namang ginagawa ng PLA-Navy vessel yan na umaaligid, nagsu-shadow. but they are not doing dangerous maneuvers. Ang gumagawa lang ng dangerous maneuver sa WPS to the point resulting in collision and even intentional ramming is always the Chinese Coast Guard and sometimes with the participation also of Chinese militia,” paliwanag ni Tarriela. 

PAG ASA ISLAND SAND CAYS

Kaninang umaga lang, lumapit sa Pag-Asa Island ang China Coast Guard vessel na may bow number 5103. 

Hindi bababa sa 10 ang mga militia vessels na animo’y nagbabantay sa tatlong sandy cay ng Pag-asa Island na ginagawan ng research ng mga siyentipiko ng University of the Philippines-Institute of Biology.

Hindi pa maipaliwanag kung bakit lumalaki ang sandy cays lalo na ang Sand Cay 2 na may tambak na patay na coral.

Isa sa tinitingnan, kung man-made ang mabilis na paglaki nito na n a kalapit din ng Subi Reef, isa sa mga artificial island ng China.

Umaasa si Professor Jonathan Anticamara na mas paiigtingin ang pagbabantay sa mga teritoryo at bahura ng bansa.

At sana raw ay ligtas silang makapagsagawa ng research.

Hindi tulad ng mga sinapit nila sa Escoda Shoal  pati na sa sand cays ng Pag-asa kung saan sila pinaliparan pa ng chopper ng China nitong Marso.

Higit sa geo-political tension, ang pangunahing problema umano ng WPS at ng buo na South China Sea, ang malaking bawas sa isda rito dahil sa pagkasira ng bahura.

“Dapat tinutulungan nila kame, dapat nagtutulungan lahat ng mga scientist kasi sino naman ang magso-solve ng problema na ito, at paano natin maso-solve ito na walang science kung manghuhula tayo ngayon so kailangan natin ng tumpak at accurate na kaalaman,” ani Prof. Anticamara.

Kaninang hapon, nagsagawa muli ng maritime patrol ang tatlong barko ng BFAR patungo sa Pag-asa sand cays.

Ramdam ang matinding presensya ng mga Tsino sa pamamagitan ng kanilang radio challenge at mga barko.

Halos isang oras ding nagbantay ang helicopter ng China sa mga barko ng BFAR na lumipad sa pinakamababang altitude na 100 meters mula sa sinasakyan naming barko.

Ang isa namang militia vessel may delikadong maneuver din na ginawa - dumikit ito ng tinatayang 50 meters sa port bow ng  BRP Datu Matanam Taradapit.

Inilunsad pa ng kanilang coast guard ang dalawa nilang small boat para magbantay sa aming galaw.

Ligtas na nakabalik sa Pag-asa Island ang mga barko ng BFAR.—RF, GMA Integrated News