Nakaranas ng trauma ang mga miyembro ng isang pamilya matapos silang pagnakawan, igapos at lagyan pa ng tape sa bibig ng dalawang lalaking nanloob sa kanilang bahay sa Batasan Hills, Quezon City. Ang isang senior citizen na biktima, kinaladkad pa umano.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes sa ganap na 11 a.m.
"Every time na may naririnig akong kaunting ingay, parang nakaka-nervous po talaga," sabi ni "Heidi," hindi niya tunay na pangalan.
"Na-nervous pa ako. Kung minsan umiyak ako, kung naalala ko 'yung nangyari, naawa ako sa anak ko, apo ko," sabi ng lolang biktima.
Ayon kay Heidi, bigla na lang may kumatok sa kanilang bahay at hinahanap ang kinakasama niya.
Ang anak niyang 6-anyos ang nakausap ng lalaking kumatok, ngunit sinabi ng bata na wala roon ang kaniyang ama. Sunod na hinahanap ng lalaki ang nanay.
"Bumalik siya doon sa pinto, sinabihan niya 'yung lalaki na natutulog ako. At sabi ng lalaki, 'Buksan mo na lang, ako na lang magtatawag.' So 'yung bata, binuksan naman niya. At 'yung isang lalaki, dumiretso doon sa bedroom namin, kumakatok nang malakas,'" salaysay ni Heidi.
Kaya laking gulat ni Heidi nang buksan ang pinto ng kuwarto dahil kaharap na niyang isang lalaki na nagsabi sa kaniyang may aayusin umano sa kanilang bahay.
"Sabi ko, 'Bakit kuya, bakit dito ka pumupunta sa kuwarto? Doon tayo sa labas mag-usap.' Tapos nu'ng tinignan ko 'yung isang kasama niyang lalaki, which is nandu'n sa main door pa na naghihintay kasama 'yung bata, nilabas na niya 'yung kutsilyo. So nu'ng nakita kong nilabas niya 'yung kutsilyo, katabi 'yung bata, hindi na ako nag-react. As in wala na, sumunod na lang ako sa kung anong sinasabi nila,'" sabi ni Heidi.
Sunod nito, pinapasok na silang mag-ina sa kuwarto kasama ang kaniyang inang senior citizen.
"Isa-isa na kaming nilagyan ng tape sa bibig, sa kamay, sa paa. Tapos pinatalikod kami, tapos sabi, 'Saan 'yung mga alahas niyo, saan 'yung mga pera niyo? Ilabas niyo na lahat. Hindi namin kayo sasaktan, pero ilabas niyo lahat,'" pagsasalaysay pa ni Heidi.
Hanggang sa nag-umpisa nang maghalughog ang mga salarin ng kanilang mga gamit sa bahay.
Kinaladkad pa umano ang senior citizen na nanay ni Heidi papunta sa kabilang kwarto.
"Sinabihan ko na 'Doon ang pera ko sa kuwarto, kunin mo doon. Sabi, 'Ituro mo.' Itinuro ko, ginuguyod niya ako roon. Dinala ako roon. Sabi ko, ''Yun,' kasi naka-tape 'yung bunganga ko," sabi ng senior citizen na nanay.
Nakuha ng mga salarin ang dalawang cellphone, isang tablet at halos P4,000 halaga ng pera.
Pinatanggal pa ng mga suspek ang password ng mga gadget.
Naiwan ng mga salarin ang ginamit na packaging tape sa kanilang pagmamadali.
Hindi naman natangay ang isa pang cellphone ni Heidi kaya nakakuha pa siya ng larawan ng kaniyang paa na nakagapos ng packaging tape.
"So 'yung sa akin 'yung pinakamahigpit. 'Yung dalawa, 'yung mother ko at 'yung daughter ko medyo maluwag 'yung sa kanila so si mama nakakapaglakad hanggang sa kitchen. Kumuha siya ng gunting, tapos isa-isa na kami na tinanggalan ng tape," sabi ni Heidi.
Wala noon ang kanilang padre de pamilya dahil may inasikaso sa labas nang mangyari ang insidente.
Nakunan sa CCTV camera ang mga salarin papasok sa eskinita kung nasaan ang kanilang bahay bago at matapos ang krimen. Walang plaka ang ginamit nilang motorsiklo.
Nakatakip din ang mukha ng mga salarin pagpasok sa bahay.
Naiulat na ang krimen sa mga awtoridad, na nagsasagwa na ng follow-up operation upang madakip ang mga salarin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News