Namataan ang sinibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo sa Kuala Lumpur International Airport noong Hulyo 21, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ang dalawa naman niyang kasama, nasa kustodiya na ng mga awtoridad sa Indonesia.
Base sa isang larawan na eksklusibong ibinigay ng PAOCC sa GMA Integrated News nitong Huwebes, isang babae na natukoy bilang si Guo ang nakitang kasama ang isang babaeng hindi pinangalanan. Nakasuot ng itim si Guo, nakasuot ng salamin, at may dalang mga bag at maleta.
"Ang larawang ito ay puwedeng magpatunay na si… Mayor Alice Guo ay wala dito sa ating bansa nu'ng mga panahon na 'yon," saad ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz.
Nakunan ang larawan bago lumipad si Guo papuntang Singapore, dagdag ng PAOCC.
Samantala, naka-detene na ang dalawang kasama ni Guo na sina Cassandra Li Ong at, Sheila Guo, kapatid ni Guo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
“I received a report last night galing kay [Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil] na dalawa sa kasama niya ay naka-detain na sa Indonesia,” sabi ni Abalos sa isang ambush interview.
Isang source ang nagsabi sa GMA Integrated News na papaalis na sana ang dalawa sa Indonesia nang harangin sila ay ng mga lokal na awtoridad doon. Inaasahang ibabalik sa Pilipinas ang dalawa.
Dagdag ng source, patuloy ang mga lokal na awtoridad sa pagsasagawa ng manhunt operations para mahuli si Alice Guo, na pinaniniwalaang nasa Batam, Indonesia.
Si Ong ang awtorisadong kinatawan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid sa Porac, Pampanga dahil sa mga ilegal na aktibidad umano. Nahaharap si Alice Guo sa mga kaso kaugnay ng ni-raid na POGO hub sa Bamban.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pagka-aresto sa dalawa ay nagpapatunay sa koneksyon sa pagitan ng mga ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga.
"The connection is there. It proves the connection between Bamban and Porac," saad ni Remulla sa isang hiwalay na panayam.
Nang tanungin tungkol sa pagkansela ng pasaporte ni Guo at ng iba pa, sinabi ni Remulla na hindi maaaring "summarily" na magkansela ng isang pasaporte ang mga awtoridad.
Aniya, kung kakanselahin ang mga pasaporte ng grupo, mahihirapan na pabalikin sila sa Pilipinas.
"It was not found advisable also to treat it summarily because if the passports are cancelled immediately, then how can you make them travel back to the country. You will have to issue a travel document which should be an admission that they are Filipino citizens," sabi niya.
"So it's something that is a little tricky," dagdag niya.
Sinabi pa ni Remulla na naghihinala rin ang mga awtoridad na mapanlinlang na nakuha nina Ong at Sheila Guo ang kanilang mga pasaporte.
Samantala, nang matanong tungkol sa rason kung bakit nakadetene ang dalawa, sinabi ni Abalos na susuriin niya ito ngunit nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa police attaché sa Indonesia.
“Pinapa-check ko pa ito but what is important even sa ibang bansa through our police attaché ay kino-coordinate. It only shows talagang seryoso dito ang kapulisyahan,” sabi niya.
Nalagay ang pangalan ni Alice Guo sa immigration lookout bulletin kasunod ng imbestigasyon sa kaniyang tunay na pagkakakilanlan at ang kaniyang kaugnayan sa mga ilegal na aktibidad ng mga POGO sa Bamban.
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes na si Alice Guo, na Guo Hua Ping ang tunay na pangalan, ay nasa Indonesia sa gitna ng mga reklamong inihain laban sa kaniya, kabilang ang umano'y human trafficking.
Natuklasan ng mga ahensiya ng gobyerno na umalis na si Guo ng Pilipinas patungong Malaysia noong Hulyo 18.
Nauna nang sinabi ng PNP na kailangan nitong magtrabaho sa pamamagitan ng diplomatic channels para maibalik si Alice Guo sa bansa.
Nakatakda ring magsampa ng mas marami pang kaso ang gobyerno laban kay Guo sa mga susunod na linggo, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Miyerkoles.
Itinanggi ni Alice Guo ang mga paratang laban sa kaniya. Nauna nang sinabi ng kaniyang abogado na si Atty. Stephen David na sa pagkakaalam niya, nasa Pilipinas pa rin ang na-dismiss na alkalde.
—VAL, GMA Integrated News