Isang bagong pasyente na tinamaan ng mpox (dating monkeypox) virus ang nagtungo umano sa isang derma clinic at nakipagtalik sa isang illegal spa sa Quezon City, kaya nagkaroon siya mga close contact, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Belmonte na 28 sa 41 naging "contact" ng pasyente ay natukoy na sa pamamagitan ng contact tracing. Naka- self quarantine umano ang mga ito at sinusubaybayan ng QC Health Department.
ALAMIN: Ano ang Mpox na idineklara ng WHO na global public health emergency?
Kabilang sa mga naka-quarantine ang masahista at ilan pang naging kliyente ng illegal spa, ayon sa ulat ni Christian Maño sa Super Radyo dzBB.
Iniutos na ni Belmonte, na ipasara ang spa na natuklasang walang mayor’s permit at iba pang kailangang dokumento.
Sinabi ng alkalde na hindi residente ng Quezon City ang pasyenteng may mpox case.
Nitong Lunes, inihayag ng Department of Health (DOH) ang ika-10 kaso ng mpox sa Pilipinas, na isang 33-anyos na lalaking Pinoy pero hindi lumabas ng bansa.
Nagkaroon umano ito ng “close, intimate contact three weeks before symptom onset.”
Nagsimula ang sintomas sa lagnat, na pagkaraan ng ilang araw at nasundan ng mga pantal sa mukha, likod, katawan, batok, singit at pati na sa palad at talampakan.
Nitong nakaraang linggo, nagdeklara ang World Health Organization (WHO) global public health emergency para sa mpox sa ikalawang pagkakataon sa magkasunod na taon.
Bunsod ito ng outbreak ng naturang viral infection sa Democratic Republic of Congo at mga kalapit nitong bansa. —FRJ, GMA Integrated News