Nasawi ang isang lalaking angkas ng motorsiklo, habang buhay naman ang rider na nagtamo ng gasgas sa katawan matapos silang mabangga ng isang bus dahil sa pagpasok nila sa EDSA busway sa may North Avenue Station sa Quezon City.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing agad na nasawi ang angkas matapos pumailalim sa bus.

Ayon sa rider na isang habal-habal rider, mag-u-U-turn sana sila kaya pumasok siya sa EDSA busway.

"Ito mahapdi kasi ito sugat po ito," saad ng rider sa tinamong sugat sa bahaging balikat. "May naramdaman ako kasi gumulong ako, yung pasahero ko tumalon kaya nasagasaan."

Nagsisisi raw siya sa mali niyang ginawa na nauwi sa pagkamatay ng kaniyang angkas na matagal na raw niyang kakilala.

Ayon sa driver ng bus, bigla na lang pumasok sa harap niya ang motorsiklo gayung walang U-turn sa lugar.

Kinailangan pang bahagyang iangat ang bus para mailabas mula sa pagkakaipit ang biktima.--FRJ, GMA Integrated News