Arestado ang isang lalaking scammer umano na nagpapanggap na broker ng petroleum products galing sa ibang bansa matapos ang ilang taon niyang pagtatago sa Quezon City. Ang suspek, nakatangay na ng milyon-milyong piso mula sa mga nabiktima.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pagsalakay ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa condominium unit kung saan naroon ang kanilang target.
Dinakip ang 37-anyos na suspek dahil sa kasong estafa at paglabag sa bouncing check law, na may mga warrant at matagal nang tinutugis ng mga law enforcement group.
Pagbukas ng kuwarto ng suspek, nakita ng mga awtoridad ang mga ginagawa niyang presentation na gagamitin umano sa kaniyang susunod na biktima.
Ayon kay Police Colonel Jess Mendez, Chief ng Regional Intelligence Division, nagpapakilala ang suspek bilang isang broker na may koneksiyon sa mga nagpaparating ng petroleum products mula sa Singapore at Malaysia.
"Pumu-front pa siya na magkakaroon ng memorandum of understanding, only to find out na wala talagang effort, walang brokerage na nangyayari, walang dumarating talaga," sabi ni Mendez.
Nagsilbing daan ang impormasyong ibinigay ng isang impormante upang matukoy ang lugar ng suspek.
Sinusubukan pang kunan ng panig ng GMA Integrated News ang suspek, na nakabilanggo ngayon sa Camp Bagong Diwa.
Hinimok ng NCRPO ang iba pang nabiktima ng suspek na maghain ng reklamo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News