Humarap sa joint congressional hearing ng Kamara de Representantes ang isang dating opisyal ng Bureau of Customs (BOC), at idinawit sina Davao City Rep. Paolo Duterte, Mans Carpio (asawa ni Vice President Sara Duterte), at dating presidential economic adviser Michael Yang, na umano'y nasa likod ng bilyong pisong halaga ng shabu na itinago umano sa ilang magnetic lifter.

Sa naturang pagdinig na isinagawa nitong Biyernes kaugnay sa imbestigasyon ng ilegal na droga at POGO operation, humarap si Jimmy Guban, na nakadetine ngayon dahil sa pagkakasangkot sa naturang shipment ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P6.8 bilyon.

"Huwag ka matakot kasi sila Mans Carpio, Pulong Duterte at Michael Yang ang may-ari ng shipment," pahayag ni Guban na sabi umano sa kaniya ng isang ring Customs officer tungkol sa naturang shabu shipment noong 2018.

Sinisikap pang makuha ang panig nina Duterte at Carpio tungkol sa alegasyon.

Ang abogado ni Yang na si Atty. Raymond Fortun, sinabi sa isang pahayag na "hearsay in nature," ang alegasyon laban sa kaniyang kliyente.

"Mr. Guban had made statements under oath in the past which are contradictory to what he is saying now.  The Supreme Court has looked with disfavor upon retractions of testimonies previously given in court," sabi ni Fortun.

"Mr. Yang's name does not appear in any of the shipping documents, nor is he the consignee.  By law, he is not the owner of the shipment," dagdag niya.

BASAHIN: Duterte: No proof P6.8-B shabu was in lifters

Sinabi ni Guban sa pagdinig na kinabibilangan ng apat na komite, na ang nakalistang may-ari ng Vecaba Trading, ang consignee o tatanggap ng drug shipment ay mga dummy ng isang Pony Chen at Emily Luquingan.

“Sabi niya (lower ranking officer), Michael Yang eh. Michael Yang ‘yan. Mans. Pulong. Hingi na lang ng tulong sa inyo. Tulong ‘yan. Parang hindi po na...parang normal na normal lang. Na ‘yung importation, ang consignee ay Vecaba Trading,” ayon kay Guban.

Nakalabas ang mga naturang kargamento sa aduana at natunton kinalaunan sa Cavite.

 

—mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News