Hinatulan ng korte sa Baguio City ang dalawang kadeta ng Philippine Military Academy (PMA) na guilty sa kasong pagpatay, habang isa pa nilang kapuwa akusado ang sabit naman sa hazing, kaugnay sa pagkamatay ng kapuwa nila kadete na si Darwin Dormitorio noong September 2019, ayon sa impormasyong ibinahagi ng pamilya ng huli.
Ibinahagi ni Dexter, kapatid ni Darwin, ang ilang impormasyon tungkol sa naturang desisyon na inilabas ng Baguio Regional Trial Court (RTC) Branch 5. Nakasaad dito na napatunayan ng korte na nakasala sa kasong pagpatay at paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 sina Shalimar Imperial Jr. at Felix Lumbag Jr.
Guilty naman sa paglabag din sa Anti-Hazing Act of 2018 si Julius Carlo Tadena.
Pinatawan ang tatlo ng parusang reclusion perpetua o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.
Inatasan din ng korte sina Imperial at Lumbag na magbayad ng tig-P3 milyon para sa hazing.
Pinagbabayad din sila ng P75,000 para sa civil indemnity, P75,000 sa moral damages, P25,000 sa temperate damages, at P100,000 bilang attorney’s fees sa pamilya ng biktima.
“All these amounts shall earn 6% interest per annum from the finality of this decision until fully paid,” saad sa desisyon ng korte.
Samantala, pinagmulta naman si Tadena ng P2 milyon.
Ikinatuwa naman ni Atty. Adrian Bonifacio, abogado ng pamilya ng biktima, ang naging desisyon ng korte.
"We dedicate the win to Darwin and his father Col. William Dormitorio. Incidentally, Col. Dormitorio died before the decision was released," sabi niya sa mga mamamahayag.
"I pray that Darwin and his father will finally have peace," dagdag niya.
Namatay si Dormitorio sa PMA Hospital noong September 18, 2019, isang araw matapos na matuklasan na mayroon siyang urinary tract infection.
Basahin: 'Darwin Dormitorio’s last days and final hours'
Wala nang malay at vital signs si Darwin nang dalhin sa ospital. Kulay asul na rin ang kaniyang labi at kuko.
May mga pasa at bugbog siya sa dibdib, sikmura, tagiliran, at likod.
Binigyan noon si Darwin ng cardio-pulmonary resuscitation pero hindi na naisalba pa ang kaniyang buhay.
Ang lumilitaw na dahilan ng kaniyang pagkasawi ay cardiopulmonary arrest na hinihinalang dulot ng blunt thoracoabdominal injury na posibleng dahil sa bugbog.
Noong 2023, naglabas ng desisyon ang Baguio Municipal Trial Court na guilty sa kasong “slight physical injuries” lamang sina Tadena and Zacarias.
Ang RTC ay mas nakatataas na korte sa MTC. Maaaring iapela pa ang desisyon sa Court of Appeals at Supreme Court. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News