Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babe na nasawi matapos pagsasaksakin ng kaniyang live-in partner sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, mapapanood ang biktima na kinilalang si Angeline Manaois, na nagse-cellphone noon sa labas ng isang restaurant.
Ilang saglit lang, lumapit ang isang lalaki, na kaniya palang live-in partner, at bigla siyang inundayan ng saksak sa tagiliran.
Sinubukang tumayo ng biktima ngunit binalikan siya ng lalaki at muling pinagsasaksak.
Dumaan ang ilang tao at nakita ang babae pero hindi siya tinulungan, samantalang ilang lalaki naman ang tila humabol sa suspek.
Makaraan ang ilang saglit, rumesponde na ang mga opisyal ng barangay.
Isang nurse rin ang dumaan at pinulsuhan ang biktima at nakaramdam ng pulso, kaya agad na itong dinala sa ospital. Ngunit pagdating sa ospital, dead on arrival na umano ang babae.
Napanood sa CCTV ang pagkaripas ng takbo ng suspek, na nagawa pa umanong itapon sa kalsada ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Magkahalong galit at dalamhati ang nararamdaman ni Ann Manaois, ina ng biktima, sa brutal na sinapit ng anak.
Sinabi ng nakatatandang Manaois na magdadalawang buwan pa lang umano nang mag-live in ang anak at ang suspek.
Posibleng selos umano ang ugat sa krimen.
Nitong Sabado lang, nagsabi sa kaniya si Angeline na uuwi na ito sa kanilang bahay dahil makikipaghiwalay na siya sa kaniyang kinakasama.
“Tumawag siya, umiiyak na nga. Doon na ako nag-panic, Sabi ko, ‘Anong nangyari?’ Sabi niya, kinulong ako nu’ng ha** na ‘yun,’ sabi niyang ganu’n,” sabi ni Manaois.
Sinabi ng barangay na magitan sila noon at pinakalma ang pag-aaway ng mag-live in partner. Ngunit kinuha umano ng suspek ang wallet at cellphone ni Angeline.
Kinagabihan din ng araw na iyon, bumalik si Angeline sa bahay ng kaniyang magulang matapos ipa-blotter ang lalaki.
Tinangka pa rin nilang kausapin nang maayos ang lalaki para maibalik sana ang kinuha nitong mga gamit ni Angeline.
“Hindi ko alam na may usapan sila magkikita pala nu’ng lalaki. Sabi ko, ‘Bakit nandiyan ka na naman?’ Sabi kong, ganu’n, ‘Gusto mo ng gulo?’ Ayun ka agad ‘yung [sabi ko] sa kaniya. ‘Ayaw mo talaga ng tahimik?’ Tapos tinatawagan ko, hindi na sumasagot,” salaysay ni Manaois tungkol sa nangyari nitong Miyerkoles.
Hanggang sa mabalitaan na lamang niya ang karumal-dumal na sinapit ng anak.
Patuloy ang pagsasagawa ng manhunt operation ng Caloocan Police para madakip ang suspek.
Matapos ang pangyayari, naglabasan sa social media ang mga post ng sunod-sunod umanong mga insidente ng pananaksak sa lugar.
Pero pinabulaanan ito ni Caloocan City Mayor Along Malapitan dahil ayon sa kaniya, isolated case lamang ito at walang serial killings sa lungsod. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News