Naaresto na ang dalawang suspek na nangholdap sa isang convenience store sa Mandaluyong City. Ang isang suspek, kalalaya pa lang ng bilangguan matapos makulong ng 20 taon.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, nahuli-cam ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at nagtungo sa target nilang convenience store.
Bumaba ang isa sa mga suspek na armado ng baril at pinasok ang tindahan. Dito niya tinutukan ang store manager at kinuha ang sling bag na may laman na P300,000 na pera.
Ayon kay Police General Wilson Asueta, Director ng Eastern Police District, sa tulong ng CCTV camera at mga testigo, kaagad na nakilala ng mga awtoridad ang mga suspek at natunton ang kinaroroonan ng mga ito.
Sinabi ni Police Captain Glenzor Vallejo, hepe ng Mandaluyong City Police, kaagad silang nagsagawa ng follow-operation at magkasunod na naaresto ang mga suspek.
Bigo umano ang pulisya na mabawi pa ang tinangay na pera ng dalawa at ang baril na ginamit nila sa panghoholdap.
Ayon kay Vallejo, kakalaya lang sa New Bilibid Prison ng suspek na may baril at 20 taon na nakulong dahil sa kaso ng ilegal na droga.
Tumanggi na umanong magbigay ng pahayag ang mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News