"Friendly" fire o mula sa baril ng kapuwa pulis ang nakapatay sa isang pulis at nakasugat sa isa pa sa ginawang pagsagip sa Pampanga sa dalawang Chinese na dinukot ng mga suspek na Chinese rin.
Isinagawa ng mga tauhan ng Philippine National Police - Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) noong nakaraang linggo ang operasyon sa pagsagip sa mga kidnap victim sa isang bahay sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, lumitaw sa ballistic at crossmatching examinations na ang tingga na nakita sa katawan ng nasawing pulis ay tugma sa baril ng isa pang pulis na kasama sa operasyon.
“Lumalabas nga po doon sa na-recover sa slug sa katawan po ni Sergeant Santiago ay nag-match po 'yon sa baril ng pulis na umamin na aksidente po niyang na-squeeze yung trigger na nakatama po doon sa dalawang pulis natin,” sabi ni Fajardo sa pulong balitaan nitong Lunes.
Mahaharap ang nakabaril na pulis sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injury, ayon pa kay Fajardo.
Sa naturang operasyon, nasagip ang mga biktima at buhay din na nadakip ang dalawang Chinese suspe. Sinabing nagkaroon ng putukan nang pumasok ang mga pulis na nagresulta sa pagkakasugat nina Police Chief Master Sergeant Eden Accad at Police Staff Sergeant Nelson Santiago.
Dinala sila sa Angeles University Foundation Medical Center sa Angeles City pero hindi na umabot doon nang buhay si Santiago dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib.
“Tatlo po sila na pumasok dito sa madilim na area. Ito pong member po ng entering team ay nakita po ang baril. May nakitang baril na nakatutok po at accidentally ay napindot po niya yung trigger,” ayon kay Fajardo.
“Ang una pong tinamaan ay yung wounded, yung kasalukuyang naka-confine po sa ospital dyan sa Angeles…So lumusot po yun through and through yung [bala] kay Accad at yung bullet po na yun ay lumusot sa likod niya at yun po yung tumama kay Sergeant Santiago,” dagdag niya.
Ang nakabaril na pulis ang sumama sa pagdala sa dalawang sugatan na kasamahan sa ospital, at doon na rin inamin na siya ang nakabaril.
SInabi ni Fajardo, na walang suot na bullet vests ang mga pulis nang isagawa ang operasyon at bala mula sa isang 5.56 armalite na baril ang tumama kay Santiago. -- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News