Kalunos-lunos ang sinapit ng isang eroplano na nagpaikot-ikot muna sa ere bago bumagsak sa isang residential area sa Vinhedo, Brazil.
Sa kasawiang palad, patay ang lahat ng 61 sakay nito.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing tumambad sa mga residente ang malaking apoy, makapal na usok, at mga nagkalat na debris sa damuhan galing sa bumagsak na eroplanong may Flight 2283 ng Voepass airline.
‘The company regrets to inform that all 61 people on board Flight 2283 died at the site,” sabi ng Voepass airline sa pahayag nito.
Ayon pa sa airline, nag-take off ang Flight 2283 sa Cascavel patungo sanang Sao Paulo-Guarulhos International Airport.
Hindi pa matukoy sa kasalukuyan ang ugat ng biglaang pagbagsak ng eroplano.
Ipinagtaka ng mga aviation expert ang naganap na pag-ikot-ikot nito sa ere sa kabila ng maayos na panahon noon.
Nagpunta ang mga nag-aalalang kaanak ng mga biktima sa Cascavel Airport upang makibalita ngunit hindi sila binigyan agad ng access sa listahan ng mga sinawimpalad na pasahero.
Sa panig ng airline, tiniyak nilang mag-aabot sila ng assistance sa kaanak ng mga biktima. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News