Humantong sa isang napakalakas na pagsabog ang isang Taiwanese cargo ship matapos magkaroon ng sunog sa loob nito sa Ningbo-Zhoushan Port sa China.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nakadaong noon ang YM Mobility sa naturang port, na isa sa mga pinaka-abalang ports sa China, nang maganap ang insidente.
Naramdaman ang shockwave sa loob ng one-kilometer radius dahil sa lakas ng pagsabog.
Dahil dito, nasira ang ilang istruktura ngunit wala namang naitalang casualties o injuries.
Sinabi ng mga awtoridad na may “hazardous goods” na karga ang YM Mobility na pag-aari ng Yang Ming Marine Transport Corp.
Hindi pa idinetalye ng mga awtoridad ang eksaktong dahilan ng sunog na humantong sa pagsabog.
“Immediate fire-fighting measures have been taken at the scene. The fire has been brought under control, and all the ship’s personnel have been safely evacuated,” sabi ng Yang Ming Marine Transport Corp.
Isa sa mga pinakamalaking daungan ng mga barko ang Ningbo-Zhoushan Port na may mga kargang langis at krudo.
Sa kabutihang palad, walang ibang barkong nadamay sa pagsabog.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad ang puno’t dulo ng insidente at kung sino man ang dapat managot dito. —JAMIL SANTOS/ VAL, GMA Integrated News