Inihayag ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na mas makabubuting gamitin ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang posisyson para makatulong sa paghahanap ng solusyon sa mga sinasabi nitong problema ng bansa sa halip na maghanap na sisisihin.
Inihayag ito ni Escudero nitong Biyernes kasunod ng mahabang mensahe ni Duterte nitong Huwebes, na nilitanya ng pangalawang pangulo ang mga problema ng bansa.
Kabilang sa pinuna ni Duterte ang ilang sangay ng gobyerno, maging ang Kongreso, na kulang umano ang ginagawang pagkilos para tutugunan ang mga problema ng bansa tulad sa isyu ng kalusugan, seguridad, empraestruktura, at panghihimasok ng mga dayuhan.
"The Vice President, like every Filipino, has the right to point out the problems confronting our countrymen. Unlike ordinary citizens, however, she can actually suggest or do something tangible about them using her position, resources and platform," ayon sa lider ng Senado.
"Imbes na magturuan at magsisihan, mas mainam na magtulungan na lang tayo para tugunan ang mga problema ng ating bansa at mga kababayan," dagdag niya.
Bagaman hindi na raw ikinagulat ni Escudero ang mga pahayag ni Duterte dahil sa nagbitiw na ito sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., may pag-aalinlangan naman siya sa mga batikos nito dahil ang ama nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang pinalitan ni Marcos sa Palasyo.
"What is perplexing is her questioning the absence of a flood masterplan two years into the administration of PBBM after the previous administration had six years to develop one, but was unable to do so," patungkol niya sa mga puna ni Sara sa isyu ng empraestruktura.
"Matagal nang problema ang pagbabaha sa bansa. Kung meron kasing nagawa na o nasimulan man lang po noon, eh 'di meron na po sana tayong napapatupad na ngayon," sabi pa ni Escudero. "We have other problems, but the focus of the Senate is to address them, and not just point."
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ni Duterte sa pahayag ni Escudero.
Samantala, sinabi ni Senador Imee Marcos, kapatid ni Pres. Marcos at kaalyado ni Duterte, na ipinahayag lang ng pangalawang pangulo ang sintemyento ng mga Pilipino.
"May pitik sa administrasyon. Sa palagay ko hindi na rin maiiwasan 'yan eh ganyan talaga. May areas na puwede talaga tayong mag-improve," sabi ni Sen. Marcos sa mga mamamahayag.
Nitong Huwebes, sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III, na makabubuti kung magbibigay si Duterte ng "contra-SONA," o ang talumpati na kadalasang ginagawa ng oposisyon para kontrahin ang mga pahayag ng pangulo sa State of the Nation Address (SONA).
Para naman kay Surigao del Norte Representative Ace Barbers, sinabi niya na dapat magpakita ng katibayan si Duterte na susuporta sa kaniyang mga batikos.
"On issue of [supposed] misuse or mishandling of the national budget, the Vice President must have a basis, certain documents falling in such parameters," sabi ni Barbers sa online press conference.
"I will ask her to show how the mishandling happened. Because according to our Constitution, we can run after those who are guilty of that and we can file appropriate cases against such perpetrators," dagdag niya.— mula sa ulat nina Hana Bordey/Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News