May magandang balita para sa mga motorista dahil inaasahan na magiging malakihan ang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Batay sa pagtaya sa galaw ng kalakalan sa krudo sa pandaigdigang merkado sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, asahan na magkakaroon muli ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ang posibleng tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay ang sumusunod:
Gasoline - P2.30 to P2.50 per liter
Diesel - P1.90 to P2.10 per liter
Kerosene - P2.35 to P2.40 per liter
Sinabi ni Romero na ang magiging resulta sa international trading sa Biyernes ang magpapasya kung magkakano ang magiging final adjustments ng mga fuel company.
“The sharp declines underscored the market’s continued struggle between the recession concerns and the geopolitical tensions,” paliwanag ni Romero sa dahilan ng fuel price rollback.
“Other bearish factors such as the growing concerns about lack luster consumption especially of China and a worsening outlook for global economy, and stronger peso outweigh bullish factors that push the oil prices up,” dagdag pa niya.
Gayunman, sinabi ng opisyal na asahan na mananatiling pabago-bago ang sitwasyon sa oil market sa mga susunod na linggo.
Inaanunsyo ng mga oil company ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad naman kinabukasan ng Martes.
Nitong nakaraang Martes, bahagyang nagkaroon ng fuel price rollback na P0.10/liter sa gasoline, P0.20/liter sa diesel, at P0.45/liter sa kerosene.
Ngayong taon, umabot na sa P9.50 per liter ang kabuuang iminahal ng gasolina at P6.65 per liter naman sa diesel. Habang ang kerosene, bumaba ang presyo ng P0.75 per liter. —mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News