Nanaig ang bayanihan sa mga magkakapitbahay nang magtulungan silang sagipin ang isang residente mula sa kaniyang nasusunog na bahay sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang makapigil-hiningang pagbabayanihan ng mga residente upang iligtas ang biktima sa Crame Street pasado alas dos ng madaling araw.
Pagkabukas ng gate, agad nilabas ng mga kapitbahay ang lalaki.
Makaraan ang ilang saglit, tuluyan nang nilamon ng apoy ang bahay.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection ang unang alarma. Nasa 10 firetruck ang rumesponde, bukod pa sa mga fire volunteer group.
Agad na nilapatan ng rescuer ng paunang lunas ang 59-anyos sa si Francis de los Reyes, na nagtamo ng mga paso sa kanang braso, kaliwang tuhod at noo.
Malaki ang kaniyang pasasalamat sa mga residente na tumulong na makalabas siya sa bahay.
“Natutulog po ako kanina sa bahay ko, doon sa may sofa. Tapos nu’ng magising ako, may apoy na sa loob, naglalagablab na po. Binubuhusan ko ng tubig. Di ko po kayang mabuhos. Dumadami ang apoy hanggang sa lumaki na po. Nagsigawan ang mga tao. Binubuksan ang gate ko, hindi mabuksan. Tinulak bigla, nabuksan din. Kaya nakalabas po ako,” sabi ng residente.
Sina James Recaña at Jhan Jhan Macabenta ang mga napanood na pilit binubuksan ang gate.
Umabot ng 18 minuto ang sunog bago naapula. Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng apoy. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News