Timbog ang isang lalaki dahil sa panghoholdap sa isang kainan, kung saan biktima ang tatlong dayuhan sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente Biyernes ng umaga kung saan tahimik na nag-aalmusal sa isang noodle house ang apat na biktima, kabilang ang isang Malaysian, isang Chinese at isang Canadian.
Ilang saglit lang, mapapanood sa CCTV ang isang lalaking naka-helmet na nagmamanman sa may pintuan ng kainan.
Pumasok ang lalaki at tinutukan ng baril ang apat na customer. Nagkaroon ng komosyon nang tumanggi ang isa sa mga biktima na ibigay ang kaniyang mga gamit, ayon sa pulisya.
Ayon sa pulisya, nakuha ang mga cellphone, ID at perang nagkakahalaga ng $1,500 o mahigit P80,000.
Sinimot din ng suspek ang cash register ng restaurant.
Umalis ang suspek sakay ng motorsiklo na naghihintay sa kaniya matapos kunin ang gamit at pera ng mga biktima.
Sa pagsasagawa ng backtracking ng pulisya, isang saksi ang lumapit sa kanila, na tinakot na rin pala ng suspek.
Base sa impormasyon mula sa saksi, nadakip ang isa sa mga suspek Lunes ng madaling araw samantalang patuloy na tinutugis ang kasamahan niyang rider.
Nasamsam ang isang baril at isang motorsiklo mula sa suspek, na nahaharap sa reklamong grave threat, robbery at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sinubukan ng GMA Integrated News na humingi ng pahayag mula sa suspek ngunit hindi pinahintulutan ng mga awtoridad. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News