Humingi ng tawad si Angelica Yulo nitong Miyerkoles sa kaniyang two-time Olympic gold medalist na anak na si Carlos Yulo, matapos basagin ng atleta ang kaniyang katahimikan tungkol sa kanilang hidwaan na pumukaw ng atensyon online.
“Hindi ako perpektong ina at alam ng Diyos na hindi ka rin perpektong anak at walang perpektong pamilya. Walang ibang hangad ang isang ina kung hindi ang ikabubuti ng kaniyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya,” saad ni Angelica sa isang pahayag.
Angelica Yulo (mother of Olympic double gold medalist @carlosyulo): …humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interbyu. Pagod at puyat ako sa kapapanood sa iyo nung mga panahon na yon, di makatulog sa tuwa...Patawad, anak. @gmanews pic.twitter.com/cIhcXXcMcn
— Mariz Umali (@marizumali) August 7, 2024
Inamin ni Angelica na naging “marahas” at “maingay” ang kaniyang pamamaraan, ngunit inilahad na “malinis” ang intensyon.
“Ako ay isang inang nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko na maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang.”
Humingi rin ng tawad si Angelica dahil sa pagpuna niya sa nobyo ni Carlos na si Chloe San Jose.
“Kung mali man ang naging pagpuna ko sa nobya mo, humihingi ako ng patawad dahil nanay lang ako na nag-aalala.”
“Humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interview,” saad ni Angelica sa mensahe niya kay Carlos.
“Pagod at puyat ako sa kapapanood sa iyo noong mga panahon na iyon. Hindi makatulog sa tuwa kahit tapos na ang iyong laban. Hindi ako nakapag-isip nang mabuti nang nirapido ako ng mga tanong ng mga reporter tungkol sa bagay na dapat ay tayo na lamang ang nag-ayos. Patawad, anak,” pagpapatuloy niya.
Inilahad ni Angelica na bukas siyang pag-usapan nang personal ang kanilang isyu na walang galit.
Humiling si Angelica na magkasundo silang dalawa, at ang kanilang pamilya.
“Matanda ka na, kaya mo nang magdesisyon para sa sarili mo. Bukas ang aming pintuan sa tahanan, kung may pera ka o wala, kung nanaisin mong bumalik sa amin,” saad niya.
Muling binati ni Angelica si Carlos sa tagumpay nito sa Paris Olympics.
“Caloy, congratulations sa iyong tagumpay, mahal na mahal ka namin, anak,” emosyonal na sabi ni Angelica.
“Sa sambayanan naman. Sana ay ipagdiwang na lang natin ang tagumpay ng anak ko. Gumawa ang anak ko ng kasaysayan para sa ating bansa. Lahat tayo ay magpasalamat kay Caloy para sa karangalang iuuwi niya para sa bayan.”
Binasag naman ni Carlos ang kaniyang katahimikan tungkol sa hidwaan nila ng kaniyang ina sa isang TikTok video, matapos makuha ang dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics. — VBL, GMA Integrated News