Arestado ang dalawang lalaki sa Quezon City matapos mang-holdap ng isang babae sa isang footbridge sa Quezon City. Ang mga suspek, aminado sa panghoholdap.
Ayon sa pulisya, galing noon sa trabaho at naglalakad sa footbridge sa Barangay Philam sa Quezon City ang 28-anyos na biktima nang lapitan siya ng dalawang suspek, saad sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
"Ginitgit siya ng dalawang lalaki. 'Yung isa, tumutok daw sa kanya ng parang patalim, kutsilyo, nagdeklara ng holdap," kuwento ni Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor, chief of police ng Antipolo Component Police Station.
"'Yung isang katabi pa naman niya na nasa kabilang side ng katawan niya, siya po ang kumuha ng cellphone niya," dagdag niya.
"So after makuha, naglakad na parang walang nangyari. Binantaan po 'yung ano (biktima) na kapag gumawa siya ng eksena ay babalikan siya at baka saksakin," ani Nicanor.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis at natunton ang mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang isang patalim, ang cellphone ng biktima, at iba pang mga cellphone na napag-alaman ay hindi kanila.
Sa police station ay positibong kinilala ng biktima ang dalawang suspek na siyang mga nang-holdap sa kanya.
Ayon kay Nicanor, nakikipag-coordinate na sila sa iba pang police units upang malaman kung may mga reports na mga nawalan ng cellphone o nabiktima ng panghoholdap din na posibleng may kaugnayan sa mga suspek.
Umamin naman ang mga suspek sa panghoholdap sa biktima sa nasabing footbridge.
Sinampahan na ng kasong robbery ang mga suspek. —KG, GMA Integrated News