Isang pulis ang nasawi, at isa pa ang sugatan sa ginawang pagsagip ng Philippine National Police - Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa dalawang Chinese na kinidnap umano sa Quezon City at dinala sa Pampanga. Ang mga suspek na Chinese din, buhay na naaresto.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV Balitanghali nitong Martes, sinabing sinalakay ng mga pulis ang isang bahay sa Sitio Felisa sa Angeles City. Pampanga nitong Sabado matapos makatanggap ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga biktima.
Base sa impormasyon mula sa pulisya, mismong si Chinese police attaché Zheng Zhue, ang nagbigay ng impormasyon sa PNP kaugnay sa nangyaring kidnaping nong umaga ng Sabado sa Quezon City.
Humingi umano ng ransom ang mga Chinese na suspek ng ¥500,000 o P8,000,000 para palayain ang mga biktima.
Hapon noong Sabado, isinasagawa na ang pagsalakay sa pinagtataguan ng mga biktima pero nauwi ito sa engkuwentro nang manlaban ang mga suspek.
Tinamaan ng mga bala sina Police Chief Master Sergeant Eden Accad at Police Staff Sergeant Nelson Santiago.
Isinugod sila sa ospital pero hindi na nakaligtas si Santiago.
Matagumpay naman na nailigtas ng mga pulis ang dalawang biktima, at naaresto nang buhay ang dalawang suspek na mga Chinese din.
Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre na .45 na baril, at isang kalibre .38 revolver. Kasama rin ang drug paraphernalia at mga patalim.
“The rescued victims and arrested suspects were brought to AKG Headquarters, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City for documentation and proper disposition,” ayon sa pulisya.—FRJ, GMA Integrated News