Tumaas sa moderate +27 nitong nakaraang June mula sa moderate +20 noong March, ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Sa naturang survey ng SWS na ginawa noong June 23 hanggang July 1, lumitaw na 55% ng mga Pilipino ang nasisiyahan sa pamamalakad ni Marcos, 15% ang walang desisyon, at 28% ang dissatisfied.
Nakapagtala ng pinakamataas na net satisfaction rating si Marcos sa Balance Luzon na good +38, sumunod ang Metro Manila na good +30, ang Visayas ay moderate +26, habang neutral +5 sa Mindanao.
Sa kabila ng mababang marka ni Marcos sa Mindanao, inihayag ng SWS na umangat na ito mula sa poor -19 noong Marso. Habang tumaas din mula sa neutral +9 ang net satisfaction rating ng pangulo sa Visayas.
Ang naturang non-commissioned survey ay nagsagawa ng face-to-face interview sa 1,500 adults respondent sa buong bansa, na kinabibilangan ng 600 sa Balance Luzon (o Luzon outside Metro Manila), at tig-300 naman sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Mayroon itong sampling error margin na ±2.5% para sa national percentages; at sampling error margins ng ±4.0% sa Balance Luzon; at tig-±5.7% naman para sa Metro Manila, the Visayas, at Mindanao. — FRJ, GMA Integrated News