"Huwag kayong mag-alala sa akin." Ito ang inihayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa pag-alis ng Philippine National Police (PNP) sa 75 pulis na bahagi ng kaniyang security details. Gayunman, nag-aalala siya para sa seguridad ng miyembro ng kaniyang pamilya.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos manawagan ang kaniyang mga tagasuporta at kaalyadong mga senador na tiyakin ang kaniyang kaligtasan at miyembro ng kaniyang pamilya.
Nitong Lunes, hinikayat ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa ang mga tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) "who are good at unarmed combat and volunteering" na maglaan ng dagdag na seguridad para kay Duterte.
Nagpasalamat si Duterte sa naturang panawagan pero tiniyak niya na walang dapat alalahanin sa kaniya pero nais niyang matiyak ang kaligtasan ng kaniyang pamilya.
"Huwag kayong mag-alala sa akin. At hindi ninyo kailangan mag-ambag ng pera para sa security ko. Ang pagtatrabaho sa pamahalaan ay pag-alay ng buhay para sa bayan. Alam nating lahat na bahagi ito ng serbisyo," sabi ng pangalawang pangulo.
"Isa lang ang hiling ko sa inyo—ang kaligtasan ng aking pamilya. Huwag ninyong payagan ang anumang karahasan sa aking ina, asawa at apat na anak, personal man o sa internet. At kung sakali man, huwag ninyong palampasin ang sinumang gagawa ng kapahamakan laban sa kanila," dagdag niya.
Nitong Lunes, binatikos ni Duterte sa open letter si PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil, matapos alisin ang 75 pulis na kabilang sa kaniyang security details.
Tinawag ni Duterte na "political harassment" ang naturang hakbang. Karamihan umano sa mga inalis na pulis ay magtagal nang nagsisilbi sa kaniya at sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya pinagkakatiwalaan niya ang mga ito.
"Ano ba ang ibig sabihin ng 'threat' sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba 'threat' kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno?" sabi ni Duterte.
Ipinaliwanag naman ni Marbil noong Linggo na patuloy na nagkakaloob ang PNP ng top-tier security services kay Duterte, at nananatili rin ang "most extensive security detail compared to her predecessors." — FRJ, GMA Integrated News