Binatikos ni Vice President Sara Duterte si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil, kasunod ng kautusan ng huli na alisin ang 75 pulis na nakatalaga sa kaniya na magbigay ng proteksiyon.
Sa open letter ni Duterte kay Marbil, sinabi ng pangalawang pangulo na inalis ang ilang tauhan ng PNP Police Security and Protection Group (PSPG) na nakatalaga sa kaniya nang magbitiw siya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), at paglabas ng video ng kahawig umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila may sininghot na pulbos.
“Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko mag-resign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at pagkatapos lumabas ang cocaine video,” ayon kay Duterte.
“Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment,” dagdag niya.
Ayon pa kay Duterte, pinagkakatiwalaan niya ang mga inalis na pulis dahil ilan sa kanila ay nagbigay din ng seguridad sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula noong 2016, habang ang iba naman ay security detail na niya mula pa noong 2007.
“It was obviously a targeted list and a targeted maneuver — nothing else,” sabi pa ng pangalawang pangulo.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na 75 tauhan ng PSPG na nakatalaga sa kaniya na security detail ay inalis sa utos ni Marbil noong July 22.
“Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas 'di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang Relief Orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP,” ayon kay Duterte.
Ipinaliwanag ni Duterte na ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) ay ginawa sa ilalim ng PSPG ng National Police Commission (NAPOLCOM), partikular para sa seguridad ng mga bise presidente.
Ayon kay Duterte, ibabalik din umano niya sa PNP ang natitira pang pulis na nakatalaga sa kaniya bilang security detail.
Ipinahiwatig din ni Duterte na ang pag-alis sa kaniyang mga security personnel ay maglalagay din sa panganib sa seguridad ng kaniyang pamilya.
“Ano ba ang ibig sabihin ng ‘threat’ sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba ‘threat’ kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno?,” tanong niya.
“Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili? Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos,” sabi pa ni Duterte.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang panig ng PNP tungkol sa pahayag ni Duterte.
Nitong Linggo, sinabi ni Marbil na bibigyan nila ng prayoridad ang mga tao na may high-security threat.
“By rationalizing our PSPG deployment, we aim to move closer to the ideal ratio of 1:500. Reducing the unnecessary deployment of security personnel to low-threat individuals will allow us to support field operations more effectively and address other critical policing needs,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, sinabi ni Marbil na patuloy na ibibigay ng PNP ang pangunahing security service kay Duterte na patuloy umanong “most extensive security detail compared to her predecessors.”
Una rito, sinabi ni PSPG Director Police Brigadier General William Segun na mayroon pang 31 PNP personnel na nakatalaga kay Duterte. Habang ang 75 PSPG personnel na inalis sa kaniya ay inilagay sa National Capital Region Police Office.
Nanawagan naman ang kaalyado ng mga Duterte na si Senador Bong Go sa PNP na huwag magpagamit sa pulitika.
“As vice chair of the Senate Committee on Public Order and a citizen of this nation, I am deeply concerned about recent incidents involving our Philippine National Police,” ani Go sa pahayag.
“Ang lagi kong payo sa mga pulis, be professional and just do what is right — proteksyunan ninyo ang buhay ng bawat Pilipino at gampanan ang tungkulin nang naaayon sa batas! Dapat manatiling propesyunal at tapat sa sinumpaang tungkulin ang ating mga alagad ng batas alang-alang sa bayan,” patuloy niya.—FRJ, GMA Integrated News