Sa kulungan ang bagsak ng tatlong katao dahil sa bagong modus umano na magkukunwaring magpapapirma ng petisyon sa mga estudyante, pero mambubudol pala para makuha ang kanilang mga gamit sa Maynila.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ang ilang kabataan na naglalakad sa kalsada sa University Belt.
Hindi namamalayan ng isa sa kanila na target na siya ng isang bagong modus ngayong pasukan.
Ilang saglit lang, kinakausap na ang target na estudyante sa isang restaurant.
"Lalapitan nila ito, tatanungin ang biktima natin kung ano ang kaniyang opinyon sa anti-hazing law. Tapos magsisimula na 'yung discussion doon at kukumbinsihin na pumirma. Iiwanan niya 'yung gamit niya dito sa biktima natin at sasabihan 'Iiwan ko sa 'yo ang gamit ko,' pupunta sa kabilang mesa at kunwaring meron siyang pinipirmahan," sabi ni Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, District Director ng MPD.
Saka na lalapit ang ilang kabataan na magpapanggap na makikinig, ngunit mga kasabwat pala.
Kapag nahawakan na ang gamit ng target habang pumipirma sa kunwaring petisyon, dito na kikilos ang grupo upang takutin ang biktima.
"Idi-discuss na ang tungkol sa fraternity at doon na magsisimula 'yung pananakot nila at kukunin na 'yung cellphone niya, kukunin na 'yung PIN ng kaniyang ATM at pagwi-withdrawhin na siya," sabi ni Ibay.
Nadakip ang tatlo sa anim na suspek at narekober ang mga gamit na kinuha nila sa kanilang pinakahuling biktima sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.
Tinutugis na ng pulisya ang tatlo pang suspek dahil posibleng makabuo pa ito ng panibagong grupo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News