Nagbitiw sa kaniyang puwesto ang pinuno ng US Secret Service matapos ang ginawang paggisa ng mga mambabatas sa ahensiya dahil sa pagkakasugat sa tenga ni dating US president Donald Trump sa nangyaring tangkang asasinasyon.
Sa ulat ng Reuters, sinabing inanunsyo ng White House ang pagbibitiw ni US Secret Service Director Kimberly Cheatle, pero wala pang komento ang ahensiya tungkol dito.
Nalagay sa krisis ang Secret Service, na responsable sa pangangalaga sa seguridad ng kasalukuyan at mga dating pangulo ng Amerika, matapos magawa ng suspek na makapagpaputok ng baril mula sa bubungan at tinamaan sa tenga si Trump habang nangangampanya sa Butler, Pennsylvania noong July 13.
Umani ng batikos si Cheatle mula sa mga mambabatas na kasapi ng House of Representatives Oversight Committee noong Lunes, dahil sa pagtanggi niya na sagutin ang mga tanong tungkol sa security plan sa naturang insidente.
Ang mga mambabatas mula sa Republican at Democratic, nanawagan sa kaniya na magbitiw.
Napatay sa naturang insidente ang itinuturong gunman na si Thomas Crooks, 20-anyos, matapos na masapol ng Secret Service sniper.
Isang dumadalo rin sa rally ang nasawi, at dalawang iba pa ang nasugatan.
"While Director Cheatle’s resignation is a step toward accountability, we need a full review of how these security failures happened so that we can prevent them going forward," sabi sa pahayag ni James Comer, Republican chair ng House Oversight Committee.
"We will continue our oversight of the Secret Service," patuloy niya.
Sinabi ni Cheatle sa mga mambabatas na inaako niya ang responsibilidad sa nangyaring insidente.
Pinamunuan ni Cheatle ang Secret Service mula noong 2022.
Ang nangyari kay Trump ang itinuturing "largest failure" ng Secret Service mula nang mabaril at masugatan din ang noo'y presidente na si Ronald Reagan noong 1981.
May hawak na mataas na tungkulin noon si Cheatle sa seguridad ng PepsiCo bago siya hinirang ni US President Joe Biden na Secret Service director noong 2022. Pero bago nito, 27 taong nagsilbi si Cheatle sa ahensiya. —mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News