Sumuko na ang suspek sa pagpatay sa tatlong tao, na kinabibilangan ng isang Australyano at asawa nito. Ang suspek, dating empleyado sa hotel kung saan pinaslang ang mga biktima.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing sumuko ang 31-anyos na suspek sa chairman ng Barangay Toong at kay Jey Cerrado na alkalde ng Tuy, Batangas.
Nasa kostudiya na ng Tagaytay City police ang suspek na dating empleyado ng hotel, ayon sa pulisya.
Bago pa man sumuko ang suspek, natukoy na ng pulisya ang kaniyang pagkakakilanlan matapos na suriin ang mga CCTV footage.
Lumitaw sa imbestigasyon na tinanggal sa trabaho ang suspek noong Marso dahil sa insidente ng nakawan sa hotel.
Ayon sa pulisya, bahagi ng pagganti ang ginawang krimen ng suspek dahil hindi umano pinagbigyan ng pamunuan ng hotel na makatanggap pa siya ng backpay.
Nagawa umano ng suspek na armado ng patalim na makapasok sa kuwarto ng mga biktima noong nakaraang linggo sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana na nasa likod.
Nahaharap ang suspek sa reklamong robbery with multiple homicide. — FRJ, GMA Integrated News