Nagtiis sa init ang mga pasahero ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos pansamantalang patayin ang air conditioning system upang ayusin na tatagal umano ng 12 oras.
Batay sa anunsyo, papatayin ang air conditioning system pagsapit ng 9:00 pm nitong Martes na tatagal ng 12 oras, o hanggang Miyerkules ng umaga.
Maglalagay ng mga bagong cooling tower sa terminal na hindi pa umano napapalitan mula noong 2008.
Ayon sa Manila International Airport Authority, tinatayang 27,000 pasahero ang maapektuhan sa gagawing pagkumpuni. Kaya naman humingi ng pang-unawa si MIAA general manager Eric Jose Ines sa mga maaapektuhang pasahero.
Sa ulat ng EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkules, inihalintulad ng ibang pasahero ang init na naramdaman nila sa loob ng terminal sa init sa Middle East.
"Grabe kainit. Nakita niyo ang pawis ko. Grabe naligo. Tapos pangalawang palit ko na ng damit. Nakaka-stress din sa sobrang init," ayon sa pasaherong si Maria na nanggaling sa Saudi Arabia, bibiyahe patungong Davao.
Ikinagulat niya ang init sa terminal nang dumating na parang init din sa pinanggalingan niya sa Saudi Arabia.
"Sobrang init. Parang nasa Saudi tayo, nasa Middle East tayo kasi first time kong naranasan ito eh na nagkaganito 'yung system ng airport natin," sabi naman ni Michael, na maghahatid ng kamag-anak na bibiyahe sa Japan.
"Sobrang init tapos sobrang unexpected siya. Actually hinatid lang namin ang ate ko dito. Hanggang ngayon nakapila siya. Na-experience din niya ang inconvenience doon," reklamo naman ni Rosh, na maghahatid din ng kapatid sa Dubai.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng MIAA na kailangang patayin nang panandalian ang aircon system para mailagay ang bagong cooling towers.
"The upgrades are intended to bolster the terminal's capability to maintain ideal temperatures efficiently thereby ensuring a more pleasant experience for all airport users," saad nito.
Naglagay ang MIAA ng mga electric fan at blower sa iba't ibang lugar sa Terminal 3, at mayroon ding standalone aircon units para maibsan ang init ng mga pasahero.
“Approximately 27,000 arriving and departing passengers on 117 flights may experience discomfort due to reduced air circulation during the 12-hour interruption. MIAA’s medical team will be on high alert and ready to respond to any medical emergency,” sabi ng MIAA naunang abiso na kanilang inilabas.
Inaasahang maibabalik ang serbisyo ng aircon system sa terminal sa Miyerkules ng hapon.—FRJ, GMA Integrated News