Sugatan si dating US president Donald Trump matapos siyang barilin at tamaan sa tenga sa kaniyang campaign rally sa Butler, Pennsylvania. Patay naman ang suspek at isang sibilyan.
Sa ulat ng Reuters, sinabing dalawa pang dumalo rin sa pagtitipon ng kampanya ni Trump ang sugatan, ayon sa pahayag ng Secret Service.
Iniimbestigahan umano ang insidente bilang assassination attempt, ayon sa isang source ng Reuters.
Magsisimula pa lang magsalita si Trump, 78-anyos, nang may madinig na putok at napahawak ang dating pangulo sa kaniyang tenga. Tiningnan niya ang kaniyang palad at lumuhod, at prinotektahan na siya ng Secret Service agents.
Matapos nito, sunod-sunod na putok pa ng baril ang nadinig.
Ilang saglit lang, tumayo si Trump at bago umalis ay itinaas ang kaniyang kuyom na kamay.
"I was shot with a bullet that pierced the upper part of my right ear," saad ni Trump sa kaniyang Truth Social platform. "Much bleeding took place."
Hindi pa malinaw kung sino ang suspek at motibo nito.
Kinondena naman ng Republicans at Democrats ang nangyaring pamamaril kay Trump na isinasawi ng isang dumalo sa rally, at ikinasugat ng iba pa.
Ayon sa campaign team ni Trump, maayos ang lagay ng dating pangulo.
Nangyari ang pamamaril, apat na buwan bago ang Nov. 5 election, na muli niyang makakaharap si Democratic President Joe Biden.
Ayon sa Reuters, karamihan sa opinion polls--kabilang Reuters/Ipsos-- lumilitaw na mahigpit ang laban ng dalawa.
Kinondena ni Biden ang insidente at sinabing: "There’s no place for this kind of violence in America. We must unite as one nation to condemn it."
Sinabi ni Texas at Republican US Representative Ronny Jackson sa Fox News na kabilang ang pamangkin niya sa mga nasugatan sa pamamaril.
"He was grazed in the neck. A bullet crossed his neck, cut his neck and he was bleeding," ani Jackson.
Sa X, dating Twitter, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na, “It is with great relief that we receive the news that former President Donald Trump is fine and well after the attempt to assasinate (sic) him. Our thoughts and prayers are with him and his family.”
Witness account
Ayon sa tagasuporta ni Trump na si Ron Moose, apat na sunod-sunod na putok ang nadinig niya at matapos nito ay yumuko ang mga tao at ang dating pangulo.
"I heard about four shots and I saw the crowd go down and then Trump ducked also real quick. Then the Secret Service all jumped and protected him as soon as they could. We are talking within a second they were all protecting him."
Idinagdag ni Moose na may nakita silang lalaki na hinahabol ng mga taong naka-military uniform, at may nadinig muli siya na mga putok.
Isang lalaki naman ang nakapanayam ng BBC ang nagsabi na may nakita siyang armadong lalaki na gumagapang sa bubungan na malapit sa pagtitipon.
Ayon sa lalaki na hindi tinukoy ang pangalan, napatingin din ang ibang tao sa kinaroroonan ng sinasabing armadong lalaki at itinuro para maalerto ang security team.
Tila galing umano ang putok sa labas ng lugar na protektado ng Secret Service, ayon sa ahensya. Ang FBI ang nangungauna sa imbestigasyon.--mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News