Nadakip na ang pickup driver na pinagbabaril ang nakasagian niyang kotse noong nakaraang linggo sa Welcome Rotonda, Quezon City. Ang suspek, napag-alamang nahaharap pa sa ibang reklamo.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadakip ang 52-anyos na driver ng pickup sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.
Positibo rin siyang kinilala ng mga sakay ng kotse.
Gayunman, hindi na nabawi ang baril na kaniyang ginamit sa pamamaril.
Lumabas pa sa imbestigasyon na may warrant of arrest ang lalaki para sa iba pang kaso kaya agad itong isinilbi ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Joseph Dela Cruz, Commander ng Galas Police Station, may reklamong estafa ang suspek sa Antipolo.
Nasa kustodiya na ng CIDU ng QCPD ang suspek, na nasampahan na ng reklamong attempted murder.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang kaniyang panig.
Mapapanood sa CCTV noong Hulyo 2 ang paghinto ng isang kotse nang masagi ng pickup sa bahagi ng Welcome Rotonda.
Sa halip na huminto, dumiretso lamang ang pickup kaya hinabol ito ng kotse.
Hindi na nahagip ng CCTV ang naganap na habulan na umabot hanggang sa Quezon Avenue, kung saan nadatnan ng pulisya na may mga tama ng bala ang kotse sa driver’s side.
Nasa labas ng sasakyan ang limang sakay ng kotse nang maganap ang pamamaril.
Nang bumaba umano ang driver ng kotse para kunan ng larawan ang pickup, bigla umanong umalis ang sasakyan.
Pagbalik nito, dito na pinagbabaril ng driver ng pickup ang kotse.
Nagtamo ng tama ng bala sa paa ang 38-anyos na babae.
Ayon kay Cruz, road rage ang nangyari. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News