Inihayag ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na hindi siya dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na gaganapin sa July 22.
“No, I will not attend the SONA," sabi ni Duterte sa mga mamamahayag sa pagpapasinaya ng Child and Adolescent Neurodevelopment Center sa isang ospital sa Davao City.
Ito ang unang pagkakataon na hindi dadalo si Duterte sa SONA mula nang manalo nila ni Marcos bilang magkatambal sa 2022 presidential elections.
Sa naturang okasyon sa Davao city, sinabi rin ng pangalawang pangulo na, "I am appointing myself as the designated survivor.”
Sa Amerika, ang "designated survivor" ay ang itinalagang partikular na opisyal na mamumuno sa bansa na wala sa listahan ng mga nakasaad na hahalili sa presidente sakaling may mangyari sa lider, gaya ng bise presidente, senate president at Speaker.
Hindi rin isinasama ang "designated survivor" sa mga pagtitipon ng mga nasa listahan ng mga puwedeng pumalit sa presidente upang matiyak na may mamumuno sa bansa sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.
Noong 2019, naghain si dating Senador Panfilo Lacson ng panukalang batas para magkaroon ang Pilipinas ng "designated survivor."
"This bill ... seeks to provide an exhaustive line/order of presidential succession in the event of death, permanent disability, removal from office or resignation of the Acting President to ensure that the office of the President is never vacated even in exceptional circumstances," nakasaad sa paliwanag ng panukala ni Lacson.
Nitong nakaraang buwan, nagbitiw si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), na magiging epektibo ngayong July. Papalit sa kaniyang posisyon bilang pinuno ng DepEd si Senador Sonny Angara.
"Mga kababayan, ang aking pagbibitiw ay hindi lulan ng kahinaan kundi dala ng tunay na malasakit para sa ating mga guro at kabataang Pilipino," paliwanag ni Duterte.
Binitawan din ni Duterte ang kaniyang posisyon bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa nakaraang panayam, sinabi ni Duterte na sa kabila ng kaniyang pagbibitiw, nananatiling "friendly" ang ugnayan nila ni Marcos sa isa't isa "on a personal level.” -- FRJ, GMA Integrated News