Isang holdaper umano ang sugatan matapos siyang manlaban umano at mabaril ng rumespondeng pulis sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, isinalaysay ng pulisya na hinold-up umano ng 26-anyos na suspek ang isang naglalakad sa nasabing lugar.
Ngunit nagsisigaw umano ang biktima kaya siya nakahingi ng tulong sa pulis, na residente rin sa lugar.
“Doon, nagpakilala siya bilang isang pulis. So itong suspect, instead na sumuko, ay bumunot ng baril at pinutukan ng dalawang beses itong pulis. So no choice itong ating pulis kundi idepensa ang kaniyang sarili,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, station commander ng Batasan Police.
Ayon pa kay Avenido, nag-misfire ang baril ng suspek ng tatlong beses.
Nabawi mula sa suspek ang wallet ng biktima na naglalaman ng P3,000 cash, at ang ginamit niyang baril na kargado ng mga bala.
Isusumite ang baril sa crime lab para sa ballistics examination.
Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na hindi ito ang unang pagkakataon na nadawit sa krimen ang suspek, dahil nakulong na rin ito sa kasong possession of illegal drugs.
Dalawang araw lamang ang nakararaan, nasampahan din ang suspek sa kaso ng pagnanakaw.
Nakunan sa CCTV sa Barangay Holy Spirit ang paglapit ng suspek sa isang lalaki na nakaupo sa labas ng isang establisimyento, at pinilit kunin ang cellphone nito.
Bumalik pa ang suspek at pinagbantaan ang biktima.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek na naka-confine sa ospital.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News