Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang mapatay umano sa pamamaril ang isang babae sa inuman sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente dalawang buwan na ang nakararaan.

Nagtamo rin ng sugat ang isa pang kainuman ng biktima.

“Habang nag-iinuman itong victim natin together with three others, bigla na lang may dumating na lalaki doon sa kanilang inuman sa bintana. So bigla na lang pinagbabaril sila,” sabi ni Police Major Joey Hizon, Assistant Chief of Police for Operation, Valenzuela City.

Sa tulong ng mga CCTV video, natunton ang suspek nang makunan ang kaniyang pagtawid sa tulay sakay ng motorsiklo. Kalaunan, natagpuan ang motor sa ilalim ng footbridge.

Unang namataan ng pulisya ang isang lalaki na inutusan umano upang kunin ang motorsiklo sa ilalim ng footbridge, kapalit ng pera.

Natunton kalaunan ang suspek.

Ayon sa pulisya, onsehan sa kita sa droga ang ugat ng krimen.

Umamin umano sa pulisya ang salarin na siya ang nasa likod ng pamamaril, ngunit binawi ito nang makapanayam siya ng GMA Integrated News.

Itinanggi na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News