Ang nagmaneho ng sasakyan na sakay ang mga patay nang sina Geneva Lopez at Yitshak Cohen ang nagturo sa mga awtoridad kung saan ibinaon ang bangkay ng magkasintahan, ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GM News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na kasama sa "person of interest" sa kaso ang mekaniko na si Alyas "Junjun," na ipinatawag ng mga suspek para magkumpuni umano ng heavy equipment.
Pero laking gulat umano ng mekaniko nang sabihin sa kaniya na imaneho ang sasakyan ng magkasintahan na parehong nasa loob pero patay na.
“Pinasakyan sa kanya ay sasakyan nu'ng dalawang biktima. Pagsakay nga, patay na ang dalawa," ani Fajardo. "Sa passenger side sa tabi ng driver nandoon 'yung babae at 'yung lalaki ay nandoon sa likod. At sinasabi pa n'ya na nakabalot na daw ng kumot ang mga mukha.”
Kasama umano sa plano na maghanap ng heavy equipment na gagamitin sana sa paghuhukay pero hindi na natuloy.
Inutusan din umano si Junjun na sunugin niya ang sasakyan ng dalawa na nakitang nagliliyab sa gilid ng daan sa Capas, Tarlac noong June 22, isa araw matapos paslangin sina Lopez at Cohen.
“Ang sinasabi n'ya ang gamit niya tissue. Inikot-ikot niya tapos sinindihan hanggang kumalat na,” ani Fajardo.
Inalok umano ng mga suspek si Junjun na bibigyan ng P50,000 para manahimik pero hindi raw nangyari.
Pinag-aaralan ng mga awtoridad kung magagamit na state witness ang mekaniko laban sa mga pangunahing salarin.
Dalawa pang sibilyan na may kinalaman sa krimen ang pianghahanap ng mga awtoridad.
Una rito, inihayag ng PNP na dalawang dating puli-- sina Michael Guiang at Romel Aboso-- ang itinuturing suspek sa planadong krimen.
Ang lote na isinangla ni Guiang kay Lopez ang hinihinalang ugat ng krimen.
Ayon kay Atty. Jon Lacanlale, abogado ng pamilya Lopez, kilala ng magkasintahan si Guiang na nakatransaksyon na nila noon patungkol din sa lupa.
“They were there, comfortable siguro, kampante sila na its just an ordinary business transaction again. Hindi lang po ito ang transaksyon nila meron pang isang property. Malaki ang figures, it run by the millions. meron pong 7.8 and 12 something hectares,” ayon kay Lacanlale.
Maglalabas umano ng pahayag ang Lopez kapag nailibing na si Geneva sa Biyernes. —FRJ, GMA Integrated News