Timbog ang dalawang customer matapos magdamag na mag-party at hindi magbayad umano ng kanilang mahigit P84,000 na bill sa isang bar sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing umabot ng umaga ang party-party ng isang lalaki at isang babae nitong Sabado sa naturang bar.
Base sa imbestigasyon, nagtungo sa bar ang dalawa dahil padespedida umano ng lalaking suspek na isang seaman at nakatakdang bumiyahe sa Hulyo 12.
“Ang claim niya, sa sobrang na niyang kalasingan, pinasarado niya ‘yung bar at pati ‘yung mismong mga empleyado doon ay pinainom niya. Dahil ang claim niya nga ay despedida na niya at sasakay na siya ng barko,” ayon kay Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Ayon sa waiter ng bar, nagsabi ang lalaki na P15,000 lang ang budget nito, ngunit tila “napasarap” umano ito sa kasiyahan.
“Noong umabot na ng P15,000, hanggang sa P21,000 na, in-update ko siya. Sabi ko, ‘P21,000 na.’ ‘Hindi, gawin mong P50,000.’ Noong sinabi ko na ‘yun na P50,000, ‘Gawin mong P100,000.’ May budget ako sa bag,” ayon sa waiter.
Nagtuloy-tuloy ang pagiging galante ng lalaki, at nag-aya pa ng ibang makakainuman.
“Nag-offer po ang mga vendor na magtinda. Ngayon, ang sabi ng lalaki, ‘Magkano lahat ‘yan? Pakyawin ko na ‘yan, umupo ka, uminom ka.’ Lahat po ng vendor,” kuwento pa ng waiter.
Maging mismong mga empleyado umano ng bar, sumali sa inuman hanggang nalasing na ang lahat.
Nang dumating ang singilan, dito na nagkagulatan umano dahil wala palang pambayad ng bill ang lalaking nangako ng libre.
Hanggang sa humantong na sa pisikalan ang singilan ng bill.
“Noong sinabi ko na, ‘May pera ka ba talaga?’ Tapos tumayo siya, sinabi niya sa akin na, ‘Wala ka bang tiwala?’ Ayun na, nagka-anuhan na kami. Ginanon niya ‘yung damit ko. Hanggang sa ako naman, dinipensahan ko lang ‘yung sarili ko. Ginano’n ko siya,” anang waiter.
“Gusto kong i-explain sa akin bakit gano’n ‘yung bill. Kaso, nu’ng lumapit ako, bigla na siya namalo. Niyakap ko po siya. Hindi ko po siya sinuntok or what,” depensa naman ng suspek.
Nagtamo ng sugat sa paa ang waiter.
Wala umanong naibayad kahit singko ang suspek.
“Nadala lang po ng kalasingan, sobrang kalasingan,” sabi ng suspek.
Ayon naman sa babaeng suspek, nadamay lamang siya.
“Nag-explain naman po ako sa kanila na, dini-date ko lang naman ‘yan. Hindi naman po talaga ako ‘yung, hindi ko naman po talaga kilala ‘yan. Gusto ko na nga po sanang umuwi doon. Hindi niya ako pinapauwi. Hindi rin po ako makauwi kasi wala rin po akong pera dahil kinuha nga po niya,” sabi ng babaeng suspek.
Nasa kustodiya ng Sampaloc Police Station ang dalawang suspek na naharap sa reklamong estafa at physical injury.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News