Nabigo man ang Gilas Pilipinas talunan ang Georgia nitong Huwebes sa Latvia sa iskor na 96-94, uusad pa rin ang mga Pinoy sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Sa naturang laban, kailangan ng Georgia na talunin ang Gilas sa lamang na 18 puntos para sila ang makausad sa semifinals.
Bago nito, tinalo ng Gilas sa Group A ang koponan ng Latvia sa iskor na 89-80 nitong Huwebes madaling araw (Manila time). Samantalang tinambakan naman ng Latvia ang Georgia sa iskor na 83-55.
Sa laro nitong Huwebes ng gabi, naging mainit na agad ang mga kamay ng tropang Georgia na bumirada ng 16-0 run at mag-iwan ng 28-17 iskor sa first quarter ng laban.
Nagawa pa ng Georgia na mapalobo ng 20 puntos ang kanilang kalamangan hanggang sa maging 55-43 ang iskor sa pagtatapos ng first half pabor pa rin sa kalaban.
Patuloy na naghabol ang Gilas sa second half at nagbunga naman ang kanilang pagpupursige nang makaabante na ng isang puntos, 71-70, sa dalawang minutong nalalabi sa third period.
Sa huling 33 segundo ng laban, abante ng isa ang Georgia, 94-93, at nabigyan pa ng dalawang free throws si Goga Bitadze ng Georgia na pareho niyang naipasok, 96-93.
Bago matapos ang laro, nakadagdag ng isang puntos si Chris Newsome nang maipasok niya ang isa sa dalawang free throws para maitala ang final score na 96-94.
Sa post-game conference, ipinaliwanag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maaari nilang subukan na hatakin ang laban sa overtime sa iskor na 96-93 nang 14 na segundo pa ang nalalabi sa laban.
Pero nagpasya silang huwag na itong gawin.
"We had an opportunity to shoot a three in the end to try to get us into overtime and play but we just felt we didn't want to give them an opportunity to try to extend the lead in overtime," paliwanag ni Cone.
Sa naturang laban, kumabig ang Michael Jordan ng Pilipinas na si Justin Brownlee ng 28 points, eight rebounds, eight assists, at isang steal. Habang may may nalikom na 16 na puntos si Dwight Ramos.
Kasama ng Gilas sa semifinals sa Group A ang top team na Latvia, na makakasagupa ang Montenegro na mula sa Group B.
Naghihintay naman ang Gilas sa resulta ng final match sa Group B ng Cameroon vs Brazil. -- FRJ, GMA Integrated News