Umakyat na sa P1.4 milyon ang pabuyang matatanggap ng sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng nawawalang magkasintahan na sina Geneva Lopez at Yitshak Cohen.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing magbibigay ng P1 milyon pabuya sina Pampanga Governor Dennis Pineda at Vice Governor Lilia Pineda, sa makapagtuturo ng kinaroroonan ng kabalen nilang si Lopez, at nobyo nitong Israeli.
Nag-alok din ng P150,000 na pabuya ang alkalde ng Sto. Tomas, Pampanga para makatulong sa paghahanap sa magkasintahan.
"Ako namamag-asa na mawala ang pag-aalala ng kanyang mga magulang. Kasalukuyang pa ding nangangalap ng karagdagang ebidensya ang kapulisan at nagdo-dokumento ng mga CCTV footages na maaaring makapagbigay linaw kung saang lugar maaaring pumunta ang mga nawawalang biktima," ayon kay Mayor John Sambo.
Nauna nang nag-alok ng P250,000 na pabuya ang pamilya ni Cohen sa sino mang makabibigay ng impormasyon para makita ang dalawa.
June 21 nang huling nakita si Lopez, na Mutya ng Pilipinas Pampanga contestant, at si Cohen. Mula sa kanilang tirahan sa Angeles City, Pampanga, bumiyahe ang dalawa patungong Tarlac para tingnan ang bibilhing lupa.
Kinabukasan, nakita ang sunog na sasakyan ng magkasintahan sa gilid ng daan sa Capas, pero wala sa loob ang dalawa.
Isa pang sasakyan na inabandona ang nakita naman sa Tarlac City, na hinihinalang may kaugnayan din sa pagkawala ng magkasintahan.
Nagsagawa naman ang pulisya ng macro-etching examination sa nasabing sasakyan at nakita na hindi ginalaw ang chassis at engine numbers nito.
Sinusuri na rin ang fingerprints na nakuha sa sasakyan para malaman kung sino ang mga gumamit nito.
Samantala, sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na maaga pa para ikonsiderang persons of interest ang dating pulis na middleman ng magkasintahan sa bibilhing lupa sa Tarlac.
Ganoon din ang nobyo ni Lopez na kasamang nawawala.
"On the part of the middle man, siya naman po ay kusang pumunta doon po sa police station [at] nagbigay po siya ng pahayag. Investigation would somehow consider this as additional information [pero] kailangan nating i-validate [at] i-confirm ang sinasabi niya pong pahayag at i-compare sa mga na-recover… kinu-collate pa po nating mga ebidensya," ani Fajardo.
Una rito, sinabi ni Police Major General Leo Francisco, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na kasama ang middleman sa pito katao na itinuturing persons of interest sa pagkawala ng magkasintahan. --FRJ, GMA Integrated News