Tinalo ng world ranked No. 37 na Gilas Pilipinas ang world ranked No. 6 na Latvia sa kanilang laban para sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament nitong Huwebes ng madaling araw (Manila time) na ginawa sa Riga, Latvia. Alamin kung sino ang sunod na haharapin ng Gilas.
Ipinamalas nina Kai Sotto at Justin Brownlee ang matindi nilang kombinasyon para tapusin ang markado nilang panalo sa iskor na 89-80.
Tumirada si Brownlee ng team-high score na 26, siyam na rebounds, siyam na assists, isang steal, at isang supalpal. Ang tore ng Gilas na 7-foot-3 na si Sotto, kumamada ng 18 score, walong boards, isang steal, at isang tapal.
Mainit na nagsimula ang Gilas na lumamang agad ng walong punto, at lumobo pa sa 18 sa second period. Nakabawi kinalaunan ang Latvia at naibaba sa single digit ang kalamangan ng Gilas sa iskor na 36-45.
Pero muling uminit ang mga kamay ng Gilas sa pangunguna ni Brownlee para palakihin muli ang lamang ng mga Pinoy sa 54-38.
Dumagdag sa sakit ng ulo ng Latvia sina Dwight Ramos at CJ Perez, para lumobo na ang lamang ng Gilas sa 26 na puntos. Ngunit hindi basta-basta sumuko ang Latvia na muling bumalik at tapyasan ng 16 ang abante ng mga Pinoy.
Sa nalalabing 3:39 ng laban, naging 85-71 pabor sa gilas ang iskor. Pero hindi na pumayag ang Gilas na mabuwelo pa ang Latvia sa depensa hanggang sa matapos ang laro sa final score na 89-80.
Dahil sa panalo sa Latvia, nakaposte na ang Gilas ng 1-0 record sa Group A. Kailangan naman nilang talunin sa susunod laban ang Georgia ngayong Huwebes ng gabi para makausad sa semifinals.
Nauna nang tinalo ng Latvia ang Georgia sa iskor na 83-55.
Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, batid ng team ang pressure at sinabing hindi mawawala ang inaasahan ng mga tao pero kailangan lang nilang gawin ang laro na nais nila.
"You know, whenever you win a game, the expectations go up. You had to keep chasing the expectations and hopefully we won’t feel that. Hopefully, we can communicate to our team that we can’t play the expectations. We just play the way that we play so," saad ni Cone sa post-game conference.
"Like I said, our country is so passionate about basketball, there’s a lot of intense pressure to succeed, and I know it seems like we haven’t been successful but that doesn’t mean anything to our team."
"They want us to be successful all the time so we have to turn around and play Georgia tomorrow, 3:00 early game, and our country’s gonna expect us, especially after winning tonight, they’re gonna expect us to win tomorrow and it’s gonna be a really tough job for us to beat Georgia," dagdag ni Cone.-- FRJ, GMA Integrated News