Nasawi ang isang babae dahil sa pananakal umano ng kaniyang live-in partner sa Malate, Maynila. Ang suspek, umaming selos ang dahilan ng krimen.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadatnan ng mga awtoridad na nakadapa at wala nang buhay ang 27-anyos na biktima sa kanilang bahay nang sakalin umano ng suspek bago mag-9 p.m. ng Lunes.

Base sa mga unang rumesponde, sumuko ang suspek tatlong oras pagkaraan ng krimen.

"Pag-approach niya sa akin, medyo amoy alak siya. 'Yung hitsura niya talagang medyo tuliro, aligaga. Pagdating namin sa scene 'yung babae nakadapa. Nakita namin na talagang chineck 'yung pulse, wala na talaga. Iba na rin 'yung kulay niya," sabi ni Rodolfo Tecson Jr., Admin Assistant IV ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.

Inilahad ng suspek na nag-away sila ng kaniyang ka-live in partner pagdating niya mula sa trabaho.

"Nandoon na siya, lasing. Tapos pagdating ko naman, sinabuyan niya ako ng tubig. Sabi niya sa akin iinom pa raw siya, tapos ayun bumili ako. Naubos 'yung isang bote, 'yung pangalawa na binuksan ko, sinabuyan niya ako ulit," sabi ng suspek.

Dito na nagdilim ang paningin ng suspek at sinakal ang biktima.

Ayon sa suspek, laging may lihim na kausap sa cellphone ang biktima na dating nagtrabaho sa Kuwait.

Dagdag niya, idinadahilan umano ng biktima na taga-agency ang kausap nito kaya sila nagtatalo.

"Pananagutan ko po ang kasalanan ko, nagsisisi po ako kasi naaawa rin ako sa anak niya," sabi ng suspek.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang lalaki na nahaharap sa reklamong murder.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News