Nadakip sa Obando, Bulacan ang isang lalaking wanted sa Maynila dahil sa kasong pagpatay pagkaraan ng 25 taon niyang pagtatago.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing may kasong homicide ang lalaki sa Maynila nong pang 1999.
Iba’t ibang pangalan at mga pekeng I.D. ang ginagamit ng akusado kaya pahirapan ang pag-trace sa kaniya ng mga awtoridad.
Iginiit ng suspek na dumepensa lamang siya noon sa sarili kaya niya napatay ang biktima.
“Pumunta po sila sa lugar namin para manggulo, nagbanta. Hindi na ho kami nakapag-ano, kaysa maunahan kami, inunahan ko na ho,” anang suspek.
Nagtamo ng hindi bababa sa 25 saksak sa katawan ang biktima na humantong sa kaniyang pagkamatay.
“Nahuli na po ako noong pangyayari na iyon, nakulong na rin po ako noon dahil sa kaso na ‘yon. Ang nangyari po, uma-attend po ng hearing, wala naman pong uma-attend na complainant. Nadestino po ako sa malayo sa trabaho, kaya hindi na po ako naka-attend ng ibang hearing. Ang alam ko po, sa sobrang tagal na rin ho, wala na ho ‘yung kaso na yon,” sabi ng suspek.
Nasa kustodiya na ng Meisic Police Station ang akusado, samantalang hinihintay ang commitment order ng korte.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News