Limang taon nang cook sa isang restaurant sa Quezon City si Raymart Billones na kumikita ng minimum daily wage na P610.
At para mapagkasiya raw niya ang sweldo sa pangangailangan ng pamilya, todo tipid na lang daw siya.
“Sa pagkain pa lang po tapos sa pamasahe pa lang doon na mapupunta kaagad yun. Paano kung magkaroon ako ng emergency, wala na po akong mahuhugutan,” sabi ni Billones.
Pagtitipid din ang solusyon ng minimum wage earner na si Mace Gime, na dalawang taon nang head barista sa isang coffee shop sa Quezon City.
“Since meron naman po akong motorcycle, nakakatipid ako sa pamasahe then nagbabaon po. Para hindi ka na gagastos,” sabi niya.
Ang daily minimum wage sa Metro Manila, hindi na umano makasabay sa inflation rate o, bilis ng pagtaas ng mga bilihin sa bansa, base sa pag-aaral ng research at advocacy group na IBON Foundation.
Ayon sa executive director ng IBON Foundation na si Sonny Africa, “Nabawasan pa yung halaga ng sahod ngayon sa nakaraang dalawang taon more or less ni Pangulong Marcos, kasi yung binigay niyang umento, isang beses lamang na P40. Hindi niya binawi yung pagtaas ng presyo ng bilihin, sa nakaraang dalawang taon.”
Dagdag pa ng IBON Foundation, ang P610 minimum daily wage ay kalahati lamang ng P1,200 na family living wage, o yung kinakailangan ng pamilya na may limang miyembro na mabuhay nang disente.
Tumataas din anila ang productivity ng mga manggagawa, pero ang kita mula rito, napupunta lang anila sa kumpanya.
“Hindi yun tama na yung nag-iincrease na productivity ng manggagawa mas malaking bahagi napupunta sa kumpanya bilang tubo, sa halip na mapupunta sa manggagawa bilang kita sa kaniyang pagtatrabaho,” sabi ni Africa.
Kung ang IBON Foundation daw ang tatanungin, dapat P610 ang idagdag sa daily minimum wage sa NCR.
“Ang hahabulin diyan, dalawang bagay: inflation sa nakaraang tatlo’t kalahating dekada na hindi kasi sumabay, at yung kulang na sahod noong 1989,” ayon kay Africa.
ECOP
Sabi naman ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP, hindi solusyon ang pagtataas sa minimum wage sa NCR sa mataas na presyo ng bilihin.
Ayon kay ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr., “Ang problema natin talagang mataas ang bilihin sa atin and that’s the problem. Hindi solusyon yung habulin ang minimum wage. Dapat yun talagang humanap ng paraan para mapababa yung ano…unang una, mataas yung fuel natin, mataas ang pagkain natin…walang kumpanyang makaka-survive pagka yun ang hinabol mo, lalo na yung maliliit.”
Mababa rin anila ang productivity ng mga manggagawa rito sa Pilipinas.
“Ang productivity ng Pilipino sa hometown natin mababa, ang Pilipino pag nag-abroad mataas ang productivity, why? Dito kasi [dahil sa] labor rules natin hindi mo pwedeng yung i-fire, mahirap tanggalin tapos meron tayong mandated wage increases na 'yan, so walang ambisyon yung mga tao mag-produce dahil hindi naman sila matatanggal sa trabaho. Pag nagtaas ng sweldo kasama rin sila ke masipag sila ke hindi,” dagdag pa ni Ortiz-Luis.
Hindi rin aniya kakayanin ng micro enterprises ang pagbabayad ng mataas na daily minimum wage.
“Hindi kaya nung micro. Pambayad lang ng weekly or monthly nahihirapan yang mga ‘yan, tataasan mo pa ng ganun kalaki? Eh yung huling increases maraming micro na nagsara eh.Yung small mga 8% yan, yan meron din na kaya na yan, yung medium okay yan, pero yung medium at large, kung magbayad ng sweldo ‘yan mataas pa sa hinihingi nila eh tsaka benefits, eh kokonti lang ‘yun 2% lang yun,” sabi ni Ortiz-Luis.
Pero sabi ng IBON Foundation, batay sa Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI) ng Philippine Statistics Authority, kakayanin din ng micro enterprises.
“Batay sa survey na ‘yan, halimbawa sa NCR yung employer, payment sa compensation ng employees ay 14% lamang ng total expenses. So, even sa mga micro enterprises pumapalo ng more or less 11-13% lamang ng kanilang total expenses ay napupunta sa employees. So maliit na bahagi lamang yung gastos sa employee ng mga kumpanya na yan,” ayon kay Africa.
Sinusubukan pa naming kunin ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa pag-aaral ng IBON foundation, pero sa ngayon wala pa silang tugon sa aming text messages.
Patuloy pa ang deliberasyon ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa posibleng wage hike sa susunod na buwan. — BM, GMA Integrated News