Nagtamo ng mga sugat katawan at ulo ang isang first-year college student na lalaki matapos siyang manlaban sa mga holdaper na sakay ng motorsiklo sa Quezon City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang tinamong mga sugat sa hita, braso at ulo, at sinuntok pa sa sikmura ang biktimang 20-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima malapit sa kanilang bahay sa Barangay Quirino 2-B, nang lapitan siya ng angkas ng motorsiklo at tinutukan siya ng baril.
“Bigla po bumaba yung angkas tapos tinutukan ako ng baril habang hawak ako sa kuwelyo. Sabi po sa akin is ibigay ko raw yung phone ko kundi ipuputok niya raw po ito,” ayon sa biktima.
Pero pumalag ang biktima na tumangging ibigay ang kaniyang bag at cellphone.
“Nung pasigaw na po ako bigla po ako sinuntok sa sikmura. Hinampas ako ng baril sa ulo tapos tinulak ako patalikod,” dagdag ng biktima.
Nakita sa CCTV camera ang pagtakas ng mga salarin pero walang nakuha mula sa biktima.
Hindi namukhaan ng biktima ang mga salarin dahil sa suot na helmet at maskara, at hindi rin nakuha ang plaka ng motorsiklo.
“Sabi ko sa kanya, next time pag gagawin pa uli sayo to, ibigay mo na. ‘Di bale na yung cellphone. makakabili naman pero yung buhay mo… patay ka na, tapos yung cellphone andyan, aanhin ko yung cellphone mo?” ayon sa tiyahin ng biktima.
Sa ngayon, malaya pa ring nakakagala ang mga salarin.
“Nagka-conduct na po tayo ng review ng mga CCTV footage. Naghahanap po tayo ng mga witness na maaaring nakasaksi para po ma-identify po natin yung mga suspek,” ayon kay Anonas Police Station commander Police Colonel Ferdinand Casiano.— FRJ, GMA Integrated News