Timbog ang apat na kabataan, kabilang ang dalawang menor de edad, dahil sa pagpatay sa Maynila.
Ayon sa isa sa mga akusado, nag-ugat ang away sa pambabastos umano ng biktima sa kaniyang nobya.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ng Santa Ana Police ang apat sa magkakahiwalay na operasyon sa Maynila nitong Biyernes sa bisa ng warrant of arrest mula sa Manila RTC.
Edad 18-anyos ang dalawa sa mga suspek, samantalang 16-anyos naman ang dalawa.
Naganap ang krimen noong Disyembre 21, 2023, ayon sa pulisya.
Isinalaysay ng isa sa mga akusado na nagsumbong sa kaniya ang kaniyang girlfriend na binastos ito sa chat.
“Nag-chat po kasi siya (biktima) ng ‘How much?’ eh. Kabastusan na po ang sinasabi niya eh. ‘Magkano ka ba?’ Guma-ganoon po,” sabi ng isa sa mga suspek.
Dahil dito, ginamit ng suspek ang cellphone at account ng kaniyang girlfriend at nakipagkasundo sa lalaki na makipagkita sa isang gas station sa Barangay Antonio, Makati City.
Dito na naisip ng suspek na bugbugin ang lalaki.
Matapos magkagulo, nanlaban umano ang biktima.
“Inagaw niya po ‘yung baril ng guwardiya,” ayon sa isa sa mga suspek.
“Tinututok niya sa amin. Nakasukbit po sa guwardiya habang hawak niya,” sabi ng isa pa sa mga suspek.
Kalaunan, dumating ang isa pa nilang kaibigan na nag-abot naman ng patalim.
“Harapan po kami. Yumuko po siya eh. Pagkayuko niya po sakto ‘yung pag-unday ko ng saksak, tumama sa likod niya. Dumepensa lang din po ako. Dehado pa rin po kami kung naagaw niya po ‘yung shotgun eh,” sabi ng isa sa mga suspek.
Nagtamo ang biktima ng tatlong saksak sa katawan na humantong sa kaniyang pagkamatay.
Ayon naman sa dalawa pang kasama ng suspek, nadamay lang sila.
Nakabilanggo sa detention facility ng Sta. Ana Police ang mga akusado, habang hinihintay ang commitment order bago dalhin ang dalawang menor de edad sa Manila Youth Reception Center ng Manila Social Welfare Development. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News