Isang babae sa  Kharkiv, Ukraine ang nahuli-cam na naglalakad sa bangketa nang biglang may sumabog sa kaniyang harapan.

Sa Globalita ng GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa video footage na panatag na mag-isang naglalakad ang babae. Pero habang papalapit siya sa dulo ng bangketa upang tumawid sa kabilang kalsada, biglang may malakas na pagsabog na nangyari sa kaniyang harapan.

Sa lakas ng pagsabog, nagkalat ang mga basag na salamin at mga debris sa lugar.

Ayon sa ulat ng Reuters, isang gusali sa lugar ang pinuntirya ng bomba ng Russia.

Mapalad na nakaligtas ang babae pero hindi ang tatlong iba pa nasawi. Mayroong ding mahigit 70 katao ang nasaktan sa nangyaring pag-atake ng Russia.--FRJ, GMA Integrated News