Ibinasura na ng korte sa Muntinlupa ang ikatlo at huling kaso laban kay dating Senador Leila de Lima, na nag-uugnay sa kaniya sa ilegal na droga na inihain noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Demurer is granted,” sabi sa mga mamamahayag ni Atty. Boni Tacardon, abogado ni De Lima, kaugnay sa desisyon ng korte para ibasura ang huling kaso laban sa kaniyang kliyente.
Nitong nakaraang Marso nang maghain sa korte ng demurrer to evidence ang kampo ni de Lima, at hilingin sa hukom na ipawang-sala siya sa bintang dahil sa kabiguan ng kampo ng tagausig na magpakita ng mga katibayan na magdidiin sa kaniya sa bintang na "guilt beyond reasonable doubt.
Nobyembre noong nakaraang taon nang payagan ng korte ang dating senador na makapagpiyansa at makalaya mula sa pagkakadetine sa Camp Crame mula noong February 2017 dahil sa mga alegasyon na sangkot siya sa kalakaran ng ilegal na droga noong panahong kalihim siya ng Department of Justice sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa kampo ni de Lima, isinumite ng kampo ng tagausig ang lahat ng kanilang ebidensiya laban sa dating senadora nang dinggin ang bail petition.
Nabigo umano noon ang mga tagausig na makapagpakita ng matibay na ebidensiya na nag-uugnay kay de Lima sa ilegal na droga nang pagbigyan ng korte na makapagpiyansa ang dating senadora.
Pebrero 2021 nang ibasura ng Muntinlupa City RTC-Branch 205 ang unang drug case laban kay de Lima. Nasundan ito ng ikalawang pagbasura ng Muntinlupa RTC Branch 204 sa kaso noong May 2023.
Una rito, ibinasura din ng Quezon City court ang dalawang disobedience cases na inihain laban kay de Lima. —mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News