Inaresto ang isang lalaki dahil sa kasong panggagahasa umano sa sarili niyang anak na elementary student sa Caloocan City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing isang babaeng police asset ang naging chatmate ng suspek, na nag-imbitang magkita sila sa isang lugar sa Dagat-dagatan para ito lumutang.

Makaraan ang ilang saglit, lumapit na ang suspek sa police asset, na hudyat ng mga tauhan ng CIDG - Northern NCR Field Unit para dakpin siya sa bisa ng arrest warrant.

Hindi na pumalag ang lalaki na isang delivery rider na wanted sa kasong rape sa sarili niyang anak.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Benedict Poblete, hepe ng CIDG - Northern NCR Field Unit, may tatlong warrant of arrest ang suspek, isa para sa rape, isa para sa attempted rape at isa para sa lasivious conduct.

Lumabas sa imbestigasyon ng CIDG na nagtatrabaho sa Europa ang ina ng bata.

Ayon sa pulisya, naganap ang panghahalay umano noong maghiwalay ang suspek at asawa nito.

"According sa suspek, he was able to molest the minor three times," sabi ni Poblete.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng iba pang kaanak ang biktima na ginabagayan ng Social Welfare Office.

Nasa CIDG detention facility ang suspek na humingi ng tawad sa kaniyang anak.

"Humihingi po ako ng tawad sa anak ko, sa pamilya nila. Kung bibigyan man nila ako ng pagkakataon para makabawi roon sa nagawa ko," sabi ng suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News