Patay sa pamamaril ng dalawang suspek na nakasakay sa magkahiwalay na motorsiklo ang isang lalaki na nakaupo sa isang tindahan sa Parañaque City. Ang krimen, nahuli-cam.

Sa ulat ni Vhonne Aquino sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Rey Florentino, na binaril at napatay sa Barangay Don Bosco.

Sa kuha ng CCTV camera, nakaupo ang biktima sa harapan ng tindahan nang dumating ang unang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Nang tumigil ang motorsiklo sa harap ng tindahan, tumakbo ang biktima pero hinabol siya ng suspek at pinagbabaril.

Tinamaan ang biktima at bumulagta sa kalsada.

Nang umalis ang suspek, isa pang rider ang dumating at muling binaril ang nakabulagtang biktima bago tuluyang iniwan.

Ayon kay Parañaque Police chief Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, nadakip sa hot pursuit operation ang dalawa sa tatlong suspek.

Naaresto sa nasabi ring barangay ang ikalawang rider na bumaril sa biktima, at ang isa pang nagsilbing lookout.

Pinaghahanap naman ang rider na nahuli-cam na humabol at unang bumaril sa biktima.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News