Tatlong katao--kabilang ang isang data officer ng isang media company-- ang dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes dahil umano sa pag-hack sa ilang private at government websites, banks, at Facebook accounts.
Ayon sa NBI, dinakip ang mga suspek bunga ng mga impormasyon tungkol sa mga insidente ng unauthorized access attempts at breaches sa mga private at government website.
Mula rito, sinubaybayan umano ng NBI ang galaw ng mga hinihinalang hackers sa internet hanggang sa mabisto ang kanilang kilos at koneksyon.
Sa pamamagitan ng impormante, nakaugnayan ang tatlong suspek noong June 14.
Noong June 17, sinabi ng NBI na nagpadala ang tatlo ng compressed file na naglalaman ng database sa impormante. Nagpadala rin sila ng hacked Facebook accounts sa impormante noong June 19, at dinakip na sila.
Nakita umano ng mga awtoridad sa isa sa cellphone ng mga suspek ang scripts and databases na nakuha mula sa mga local government units at iba't ibang government websites, pati na ang impormasyon ng ilang Facebook users.
Nakita rin sa cellphone ang datos patungkol sa limang bangko.
“These highlight the extent of the digital assets and sensitive information accessed by the Subjects, pointing to potential cybersecurity breaches and illegal activities,” ayon sa NBI.
Posible silang maharap sa mga reklamong Illegal Access under Section 4(a)(1) and Misuse of Device under Section 5(iii) of RA 10175 o ng Cybercrime Prevention Act of 2012, pati na ang Unauthorized Access o Intentional Breach sa ilalim ng Section 29 ng RA 10173, na kilala rin bilang Data Privacy Act of 2012.
Sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo dzBB, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ang tatlo ay kasapi ng hacking group na "LulzSec."
Sinabi naman ni NBI cybercrime chief Jeremy Lontoc, na ang isa sa mga suspek ay data officer ng isang media company, habang ang isa ay cyber security researcher sa isang kompanya, at graduating student naman ang isa pa. — FRJ, GMA Integrated News