Nagtamo ng mga sugat ang isang lalaki nang barilin umano ng sumpak ng kaniyang kakilala na kaniyang nakaalitan sa Dasmariñas, Cavite.

Ang dahilan ng away, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang CCTV ng tapat ng barangay hall ng Paliparan 3 kung saan dumating ang tatlong lalaking sakay ng isang motorsiklo.

Sugatan na pala ang isa sa kanila, na agad isinugod sa pagamutan matapos magtamo ng tama ng bala sa braso at dibdib.

Matapos magtanong sa mga posibleng saksi at sa tulong na rin ng mga residente, natunton ng Dasmariñas Police ang suspek sa kaniya mismong bahay.

Base sa pulisya, dati nang may alitan ang biktima at suspek kung saan isa sa mga tinitingnang anggulo ang ilegal na droga.

Dati nang nabilanggo ang biktima dahil sa iba't ibang kaso, gaya ng pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Nasa kustodiya na ng Dasmariñas Police Station ang suspek, na itinanggi ang paratang sa pulisya.

Nahaharap ang suspek sa reklamong frustrated murder. —VAL, GMA Integrated News