Patay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis ang isang suspek sa pagnanakaw sa isang residential village sa Las Piñas City. Sugatan naman sa naturang engkuwentro ang dalawang pulis.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing pinasok umano ng suspek ang bahay ng isang Philippine Navy retiree.
“Pinasok yung bahay nung ating biktima [at] naalarma [siya]. Dahil siya ay retired navy, kinuha niya yung [kaniyang] personal firearm. Nung nagkatinginan sila nung suspek, imbes na maputukan niya, madepensahan niya yung sarili, siya pa naagawan ng baril,” ayon kay Las Piñas Police Chief Police Colonel Sandro Jay Tafalla.
Nakalabas naman ng bahay ang biktima at nakahingi ng saklolo sa mga pulis na nagpapatrolya. Nangyari ang engkuwentro nang gamitin ng suspek ang nakuhang baril mula sa pinasok niyang bahay.
“Pagbaba namin, biglang lumabas, pinutukan na kami. Siguro kasi sabi sa tindahan, andiyan na mga pulis lumabas ka dito. Kami na hinarap. Nakipagbarilan sa amin… Parang sabog eh. Dire-diretso eh, pinuputukan po kami eh. Wala talagang takot eh,” ayon kay Police Lieutenant Jess de Leon.
“Sa police operational procedures natin, ang pulis may karapatan din ipagtanggol ang kanilang mga sarili. ‘Yung self-defense na sinasabi,” ayon naman kay SPD Chief Police Brigadier General Leon Rosete.
Nasawi ang suspek na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan. Sugatan naman sina Police Master Sergeant Avelino Lopez at Police Master Sergeant Warrant Panton, na dinala sa ospital.
Nakuha mula sa suspek ang 9mm na baril na nakuha niya sa Navy retiree. —FRJ, GMA Integrated News